Galvez

DND humahanap ng paraan bago ‘mapaso’ ang mga bala ng AFP

January 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 262 views

HUMAHANAP ng paraan ang Department of National Defense (DND) kung paano mapapahaba ang buhay o mare-recycle para mapakinabangan ang mga bala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malapit ng ma-expire o hindi na maaaring mapakinabangan.

Ito ang inihayag nitong Lunes ni DND Secretary Carlito Galvez Jr. kung saan sinabi nito na mayroon silang “authorized wastage level” sa kanilang ammunition stocks.

Nilinaw ni Galvez na kung mababa na ang “shelf life” ng bala ay hindi na rin umano ito ligtas na gamitin.

Ipinaliwanag din ng kalihim na maraming bala ang hindi nagamit ng AFP dahil na rin sa paggamit ng mga ito ng “non-lethal strategies” sa paglaban sa mga lokal na terorista at iba pang grupo na maituturing na banta sa seguridad ng bansa.

Kabilang aniya sa estratehiyang ito ang paggamit ng civil-military operations (CMO) na napatunayan nang epektibo sa pagpsawata ng mga banta sa seguridad ng bansa.

Isa pang dahilan aniya ay ang “pagiging magaling, masipag at matalino” ng mga sundalo sa paggamit ng balang ini-isyu sa kanila ayon sa kalihim.

“Nakikita natin yung ating ammunition consumption bumaba dahil kasi, naging mga expert na yung mga tao natin and then they really have yung tinatawag na very diligent ang use ng mga ammo,” paliwanag ni Galvez.

Malaki din aniya ang naitulong ng maayos na pagsulong ng usaping pangkapayapaan sa bansa sa mababang paggamit ng bala ng AFP.

Aniya, sa kasalukuyan ay wala rin naman umanong naitatalang malaking labanan o bakbakan sa Mindanao at iba pang lugar sa bansa.

“And it’s a good indication that really we are winning the war against our communist insurgency at saka nakikita natin na yung peace inclined organizations are really now going with us and also joining us in the government,” paliwanag pa ni Galvez.

Sa ngayon aniya ang pinaka-unang option nila sa mga balang malapit ng ma-expire ay ang tuluyang sirain upang hindi na makapaminsala pa.

Gayunman, humahanap parin sila ng posibilidad kung paano nila ito mare-recycle at gamitin bilang training ammunition o di kaya naman ay ma-extend ang kanilang shelf life katulad ng ginawa sa mga COVID-19 vaccines sa mga panahong siya ng nagsisilbing vaccine czar ng Duterte administration.

“Because of COVID-19, nakita natin na talagang very thin yung ating mga resources and we would like to encourage yung ating Defense Department together with the AFP na talagang dapat ma-optimize natin yung ating mga resources both yung ating logistics and financial, that’s my guidance,” dagdag pa ng kalihim.