‘DMW’ sadyang kailangan na ngayon

January 13, 2022 Paul M. Gutierrez 59 views

PaulISA nang ganap na batas ang Department of Migrant Workers (DMW) na matagal ng pinapangarap ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.

Opisyal na nilagdaan ni Pang. Rody ang DMW o RA 11461, noon mismong Rizal Day (Disyembre 30), bilang pagkilala sa pagiging mga “bagong bayani” ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na unang sinabi ni Pang. Cory Aquino—pero wala namang nangyaring positibo pagkatapos nito, hehehe, ayy, huhuhu!

Kung babalikan pa ulit, ang pagbuo ng DMW ay isa sa mga campaign promises ni Digong at ni dating Speaker Alan Peter Cayetano nang tumakbo sila bilang pangulo at pangalawang pangulo noong 2016 elections.

Kumbaga, ang DMW ay isa sa mga “pangako” na “hindi napako” ni Speaker Alan na ngayon ay muling nagbabalik bilang kandidatong senador sa darating na May 9, 2022 elections.

Natatandaan pa natin na pinangunahan ni Cayetano ang paghahain ng panukalang batas na ito sa Senado noong May 4, 2017, bago sya hiranging kalihim ng Department of Foreign Affairs.

Nais kasi ni Cayetano na magkaroon ng isang ahensya ng gobyerno na tututok sa mga problema, hinaing, at iba pang concerns ng mga OFWs.

Kung susuriin ng kasing mabuti, bagaman ‘sandamakmak na ang mga ahensiya na dapat tumugon sa sekto ng OFW, hindi naman natutugunan ang sandamakmak din nilang mga problema at pangangailangan.

Bagaman hindi naisabatas ang una niyang panukala, muling naghain si Cayetano noong 2019 ng House Bill 5832 na siya namang pumasa sa Kamara noong Marso 11, 2020 sa kanyang pamumuno bilang House Speaker.

Ang panukalang batas, na isa si Cayetano sa punong may-akda, ay naglalayong lumikha ng isang Department of Overseas Filipino Workers and Foreign Employment — isang sentralisadong ahensya na tutugon sa mga pangangailangan ng mga OFW na ngayon nga ay kilala na bilang Department of Migrant Workers (DMW).

Nitong nakaraang bisperas ng Pasko inaprubahan ng Senado ang panukalang batas sa pangunguna ni Senate Labor Committee chair, Sen. Joel Villanueva.

Agad din itong inaprubahan ng Kamara noong araw mismo ng Pasko para maihabol sa pagtatapos ng taong 2021.

At siyempre, “bumuhos” naman ang pasasalamat ng dating Speaker of the House sa paglagda ni Mayor Rody para maging isang ganap ng batas ang DMW.

Aniya pa, ang DMW ay naghahatid ng panibagong pag-asa para sa mga overseas Filipinos na nagsakripisyo upang matustusan ang mga pamilya at matulungan ang ekonomiya ng bansa.

Ang paglikha ng DMW ay magbibigay-daan para sa mas angkop na budget sa mga serbisyo’t programa para sa mga OFWs at ito’y isang oportunidad para sa isang mabisang pagtugon ng national government sa pangangailangan ng mga OFWs sa oras ng krisis.

Ang DMW ay magkakaroon ng sariling kalihim na syang tutugon sa mga programa sa ilalim ng bagong ahensya.

Pagsasamahin na sa DMW ang mga tungkulin ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) National Reintegration Center, Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, Department of Social Welfare and Development (DSWD) International Social Services Office, at ng Commission on Filipino Overseas ng Office of the President na lahat ay may kinalaman sa kapakanan ng mga OFWs.

Magandang panimula ito ng bagong taon para sa mga OFWs dahil binigyan ng importansya ang kanilang matagal ng hinahangad na magkaroon ng ahensya para sa kanila.

Pasalamatan din natin ang mga mambabatas na nagsulong nito lalo na si Cayetano na lalong naging mas malapit sa mga OFW noong sya ay maging DFA Secretary dahil pinadagdagan nya ang pondo para sa Assistance to National Fund at Legal Assistance Fund.

Inayos din nya ang sistema ng passport sa DFA at pinangunahan ang pagkakaroon ng Kafala system na malaki ang naging benepisyo sa mga OFWs.

Bukod naman kay Sen. Villanueva, si Sen. Cristopher ‘Bong’ Go ang principal na nagtulak ng DMW sa Senado.

At harinawang isang totoon may malasakit sa mga OFWs ang maitalagang kalihim ng bagong ahensiya.

Translation? Huwag sanang pulitiko!

Abangan!

AUTHOR PROFILE