Dizon Pinangunahan ni MPD Chief Andre P. Dizon (kanan, dulo) katuwang ang iba pang respresentante ng ahensiya ng gobyerno sa pag-iinspeksyon ng daraanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno na tinawag na ‘Walk of Faith’ bilang preparasyon sa nalalapit na kapistahan ng Quiapo. Kuha ni Jon-jon Reyes

Dizon ininspeksyon ang ‘Walk of Faith’ route para sa Itim na Nazareno

January 4, 2023 Jonjon Reyes 634 views

ININSPEKSYON ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Andre P. Dizon ang daraanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno na tinaguriang “Walk of Faith” ilang araw bago ang mismong kapistahan ng Quiapo, Lungsod ng Maynila, Miyerkules ng madaling araw.

Kasama sa pagiikot ni Dizon sina P/Lieutenant Col. Ramon Czar Solas ng MPD Police Station (PS) 3, P/Lt. Col. Roberto Mupaz ng Barbosa PS 14 na sumasakop sa pagdiriwang ng piyesta ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Habang si P/Lt. Col. Leandro Gutierrez ng Ermita PS 5 ang nakaantabay naman sa gaganaping misa ng bandang ala-1:00 ng madaling araw sa Quirino Grandstand sa Rizal Park.

Layunin ng MPD director na tiyaking ligtas at walang magiging problema sa mga ruta na dadaanan ng prusisyon.

Sa ulat ni P/Maj. Philipp Ines, hepe ng Public Information Office ng MPD, kabilang sa inikutan ng grupo ay ang Quirino Grandstand, Jones Bridge, at ilan pang mga kalsada sa paligid ng simbahan ng Quiapo.

Sa kanilang pag-iikot, may ilang mga bahagi ng bangketa na kailangang linisin o alisan ng obstruction.

Batay sa schedule ng pamunuan ng Quiapo Church, ang Walk of Faith ay idaraos sa Enero 9, alas 2:00 ng madaling araw hanggang 4:00 a.m.

Tinatayang mahigit kumulang 5 milyong indibidual ang dadalo at makikibahagi sa prusisyon o “Walk of Faith” na siyang ipinalit sa “Traslacion.”

AUTHOR PROFILE