Allan

Disqualification kay former Cong Egay Erice?

November 29, 2024 Allan L. Encarnacion 144 views

PAANO naman kaya nangyari na madi-disqualify ng Comelec si Ginoong Egay Erice ng Caloocan City gayong nakaapat na termino itong kongresista, naging bise-alkalde at paulit-ulit naging konsehal ng lungsod?

Hindi ko pa rin mahanapan ng katwiran ang sinasabi ng Comelec na ginugulo umano ni Erice ang eleksiyon dahil nang tingnan ko ang kalendaryong bigay pa ng Kabisi hardware, Nobyembre 2024 pa lang naman. Ang alam ko ay sa Mayo 2025 pa magaganap ang eleksiyon kaya hindi ko alam kung anong halalan ang tinutukoy na ginulo ng dating kongresista. Baka naman Comelec Homeowners Association election ang nabulabog ni Cong Egay?

Ang huling balita na nabasa natin tungkol kay Erice ay kinukuwestiyon nito ang nabasag na sosyohan ng Miru system dahil sa pag-atras ng construction company na St. Timothy sa kanilang joint venture.

Sa totohanang usapan kung Procurement Law ang batayan, hindi kasi puwedeng in the middle of the game ay magpapalit ka ng kasosyo. Sa pribadong korporasyon, okey lang ang magpalit ng kausap pero kapag gobyerno ang kapusta mo, big no-no yan kapag nakuha mo na ang kontrata matapos ang public bidding. Marami ka nang lalabaging batas, marami ka nang dapat panagutan.

Or ang worst case scenario, kung istriktong susundin ang batas, lusaw ang joint venture kaya lusaw din dapat ang kontrata.

Kaya nga sobrang higpit ng bidding process dito sa atin magmula sa pagbili ng dokumento, pagsumite ng mga dokumento para sa prequalifications, bidding proper hanggang sa post qualification.

Lahat ng dokumento ng mga sumasali sa public bidding ay talagang binusisi nang husto. Magkamali ka lang ng details sa cover letter tapos iba iyong nasa laman, magkakaproblema ka na.

Halimbawang nag-submit ka ng Business permit mo na paso na pala ang petsa kahit hindi mo sinasadya dahil iyong pabaya mong secretary ay hindi ulit na-double check ang mga submitted documents, ground na yan sa disqualification, iyon pa kayang umalis ang isa mong kasosyo?

Wala tayong nakikitang labag sa batas na nagawa si Erice para mabigyan ng merito ang kanyang diskuwalipikasyon. Bagama’t 2nd division pa lang naman ng Comelec ang nagpasya rito, masasabi nating hindi magandang pangitain ito para sa mga taga-2nd district ng Caloocan na paulit-ulit bumoto kay Erice bilang kongresista.

May pagkakatan pang umapela si Erice sa Comelec en banc hanggang Lunes, December 2 para mabaligtad ang 2nd division ruling. Magandang hintayin ito dahil dito na naman natin malalaman ang damdamin ng mga taga-Comelec sa mga isyung inilalabas ni Erice.

Pero may hulit hirit pa si Cong Egay kapag kinatigan ng en banc ang kanyang disqualification. May Korte Suprema pa na siyang final final arbiter ng ating mga batas at taga-balanse ng mga pasya ng korte at mga Constitutional bodies.

Katulad ng palagi natin sinasabi, malaking bagay ang pagkakaroon natin ng mga “Panginoon sa Padre Faura” dahil naroon ang mga taong balanse mag-isip at totoong kumikilala sa katwiran at katarungan.

Sa gitna ng mga ganitong isyu, pakiramdan natin ay sisipul-sipol pa si Erice habang pinapaypay ang pinakahuling survey results na hawak niya na may 3,500 respondents.

Totoo ba na 61% na si Cong Egay?

[email protected]