Discaya abala sa free concert, ayuda, Pamaskong 5-kilo rice sa bawat pamilyang Pasigueño
“TWELVE Days of Christmas” free concert at tuloy-tuloy na ayuda sa maralitang Pasigueños ang pinagkakaabalahan ngayon ni mayoralty aspirant Sarah Discaya at hindi pulitika.
“Wala kaming panahon sa mga isyung negatibo. Abala kami sa pagbigay ng tulong sa kapus-palad nating kababayan… at kung paano natin sila mapasaya nitong Kapaskuhan,” pahayag ng kampo ni Discaya.
“Lubos kaming naniniwala sa kasabihan na kapag pinukol ka ng bato ay tinapay ang ipukol mo pabalik,” paliwanag ni Discaya sa kanilang naging tugon sa mga pasaring laban sa kanila.
Sinabi nito na maraming magagandang bagay na dapat atupagin sa araw-araw ang sino mang nais maglingkod sa komunidad at tumulong sa kapuwa.
Sa talaan nitong nagdaang mga linggo ng St. Gerrard Charity Foundation, na pinangangasiwaan ng pamilya Discaya ay libu-libong mga Pasigueño na ang nabiyayaan ng iba’t ibang ayuda gaya ng chairs, tables, kilo-kilong bigas at palugaw ng Kusina ni Ate Sarah.
Free medical checkup, mga gamot at wheelchair naman sa lingguhang medical mission ng Team Sarah.
At mayroon ding version ang Team Sarah ng Pamaskong Handog na limang kilong bigas bawat pamilyang Pasigueño.
Itong panahon ng kapaskuhan ay ibinalita rin ni Discaya ang espesyal na handog ni Ate Sarah na free live concert para mabigyan ng kasayahan ang kanyang kababayan.
“Magpapa-concert si Ate Sarah sa kanilang pribadong lugar araw-araw sa loob ng 12 araw na iba’t ibang artista ang mag-perform sa bawat araw at mapapanood ng mga Pasigueño via live streaming,” pahayag ng kampo ni Discaya.