Rahyan

Direk Rahyan: Walang bobong artista pero may tamad na artista

November 27, 2024 Ian F. Fariñas 93 views

DISIPLINA.

’Yan ang isa sa mga gustong ituro ni Direk Rahyan Carlos sa workshops bilang bagong talagang head ng training and development ng MQuest Artists Agency (MQAA) ng TV5.

Si Direk Rahyan nga ang napili ni MQAA chief at Cignal TV VP for content acquisition Jeffrey Remigio na maging facilitator ng workshops ng lumalaking stable ng MQuest artists, na kinabibilangan ni “Gomburza” star Cedric Juan at child actor Zion Cruz ng “Ang Himala ni Nino” TV5 series.

Nitong weekend, nagkaroon sila ng public workshops in acting, dance and voice, kung saan ang ilang participants ay nabigyan ng pagkakataong mag-audition at maging bahagi ng kwadra ng MQAA.

Kilala sa industriya bilang respetadong film/TV scriptwriter-director at acting coach mula 1997, si Direk Rahyan ang nasa likod ng mga proyektong “Pamahiin,” “Shake, Rattle & Roll 8,” “Ringgo: The Dog Shooter” “Florinda” at “Regal Shocker.”

Siya rin ang bukod-tanging Pinoy na accredited para magturo ng Hollywood “Chubbuck Technique,” na inaral niya sa ilalim ng legendary Hollywood acting coach na si Ivana Chubbuck.

Si Chubbuck ang tumayong acting coach ng ilang sikat na international stars tulad nina Halle Berry, Brad Pitt, Sylvestre Stallone, Jim Carrey at Charlize Theron.

Ang ilan naman sa mga na-train ni Direk Rahyan dito sa ’Pinas ay sina Maricel Soriano, Christian Bables, Coco Martin, Arjo Atayde, Megan Young, Julia Barretto, Roco Nacino, Sandino Martin, Carla Martinez at Carmi Martin.

Sa pagharap ng direktor sa entertainment press bilang MQAA training/development head, sinabi niya na istrikto siya, lalo na pagdating sa oras. Kailangan umanong matuto ang mga artista, baguhan man o beterano/beterana, na respetuhin ang oras ng bawat isa.

“As simple as courtesy, ‘yung simpleng courtesy like ’wag n’yong dadaanan ‘yung beteranong artista kahit ‘di kayo kakilala kasi the tendency of the generation now is to be entitled. So, as simple as say ‘thank you,’ say ‘good morning,’ ‘ako po ’yung makakatrabaho n’yong artista, first time ko lang po.’ Same thing that I did when I first directed Eddie Garcia here in the Kapatid network. We had a show, ‘yung ‘Third Eye,’ after the ano, first time kong makakatrabaho si Tito Eddie. Sabi ko sa EP (executive producer), sabihan n’yo ako, ha, ‘pag nand’yan na, talagang uunahan ko, ‘hi, Tito Eddie, ako po si Rahyan Carlos, ako po ‘yung direktor ninyo.’ ‘Pag pack-up niya, ako rin ang magpapasalamat sa kanya. And then to my surprise, sabi sa akin ni Tito Eddie, ‘no, I learned a lot from you,’ ‘’di po, ako po ang natuto sa inyo,’” pagbibigay-halimbawa ng direktor.

Obserbasyon pa niya, napaka-importante sa henerasyon ngayon na hindi mawala ang tradisyon ng pagiging Pilipino, “‘Yung values natin, with all those technology, ’di ba, ‘yung… ano ba ang acting? Interpersonal relationship, eh. ‘Yan ang wala na ngayon sa mga artista o sa mga baguhan, kasi everything is phone. Kaya sa class po namin, there is no phone. ’Pag break lang. Kasi it’s really personal. ’Yun po.”

Labing-limang aspiring actors ang hinawakan ni Direk Rahyan sa unang workshop na ginawa niya for MQAA. Importante umano sa MQAA na maihanda ang kanilang talents para hindi mapahiya sa mga direktor at producer na makakatrabaho nila.

Ayon kay Jeffrey, layon ng talent arm ng TV5 na makilala ito bilang isang “hub for really good actors.”

“Maraming paraan para sumikat ang isang artista, eh. Pero ako,” diin ni Direk Rahyan, “hindi ako naniniwalang may bobong artista o may artistang hindi kasi ’yan pinanganak o walang dugong artista ‘yan. Para sa akin, lahat pupuwedeng maging artista basta masipag ka lang. Kasi ako, naniniwala na walang bobong artista pero may tamad na artista. And ang mga artista nangangalawang, eh, so I always tell them, you’re just as good as your last work. So acting is a lifestyle of learning. Kaya mag-workshop ka, mag-workshop ka.

“Sa ibang bansa, ang tingin nila sa workshop, it’s like the gym. So you need to be healthy. Kumbaga, ayusin mo ’yung katawan mo. Sa atin, parang may kakulangan ka ‘pag sinubject mo sarili mo sa workshop. No. Actors need to have constant training po, eh. Why? Because acting change, people change. Art is evolving, acting is evolving. We need to adapt as well,” giit pa ng direktor.

AUTHOR PROFILE