Lino

Direk Lino pagsasabayin ang pelikula’t pulitika sa 2025

November 10, 2024 Ian F. Fariñas 175 views

MAGIGING ultra busy ang 2025 para sa director/producer na si Lino Cayetano dahil bukod sa kabi-kabilang film collaborations ng Rein Entertainment, balik-pulitika rin siya sa pagtakbong kongresista ng 1st district ng Taguig-Pateros sa midterm elections.

Sa intimate lunch chikahan nitong Sabado kasama ang ilang entertainment editors, nilinaw ni Direk Lino na matuloy man siya sa Kongreso, hindi pa rin niya tatalikuran ang show business.

On the contrary, isa sa goals niya ang i-champion ang industriya sakaling palarin sa 2025 polls.

At dahil may nakaambang disqualification case laban sa kanya ngayon, idiniin ng direktor na wala pa ring makapipigil sa pagtakbo niya.

Hindi rin umano siya na-disqualify ng Comelec.

May bigat ang laban ni Direk Lino ngayon dahil ang kalaban niya sa pagka-kongresista ay inendorso ng mismong kuya niya na si Sen. Allan Peter at ng misis nitong si Mayor Lani Cayetano.

Ikinalulungkot man niya ito, naniniwala naman ang direktor na polisiya lamang ang ugat ng lahat. Pagkatapos ng eleksyon, magkapatid pa rin sila ni Sen. Allan.

Nang tanungin kung ano ang posisyon ng ate nilang si Sen. Pia sa pangyayari, sinabi ni Direk Lino na bilang nakababatang kapatid, wish niya ay mamagitan ito.

“Pero nasa sa kanya na ‘yon,” maikling saad ng bunsong Cayetano.

Sa pagkakaalam daw kasi niya, ipinaubaya na ni Sen. Pia ang desisyon sa Taguig kay Sen. Allan.

Kaya giit ni Direk Lino, “I will fight the disqualification case until umabot siya ng Supreme Court. My father (former Sen. Rene Cayetano) is from Pateros. I grew up in Pateros. My brother Allan (Peter) was congressman in Taguig Pateros. I first voted in district 1 in 1998 in Taguig and Pateros in the 1st district. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit pinagbabawalan ako ng ilang mga tao na tumakbo sa unang distrito. Kaya ho ako napunta sa Fort Bonifacio, Allan and Lani asked me to run for barangay captain to help Lani. Kasi nu’ng nanalo si Lani, wala siyang kakampi. And they needed isang matibay na kakampi na ipagtatanggol siya. So I left show business at the height of my career, kasi I was doing ‘Noah’ with Piolo (Pascual), at that time Zaijian (Jaranilla) just finished ‘May Bukas Pa.’ Nagpaalam ako sa ABS because my family asked me to move to district 2 para tumakbo ng barangay captain and eventually, congressman.

“So all I’m doing now is going back to the first district, which is legal. Nu’ng mayor ako, meron kaming residence na kinuha near City Hall and that’s in the first district. So hindi siya legal issue, mas political issue siya, ginagawang paraan para ‘wag akong makatakbo sa position,” mahabang paliwanag ng direktor.

Confident umano ang legal counsels niya na mapagwawagian nila ang legal battle.

“If we don’t, meron pang next step. Sabi ko nga, hanggang umabot ng Supreme Court,” dagdag pa ni Direk Lino.

Positibo rin ang tingin niya sa kasalukuyang lagay ng Philippine cinema, lalo pa nga at marami umano ang nagtutulong-tulong para sa ikaaayos nito.

“Ang daming nangyayari ngayon. Si Direk Joey (Reyes) in FDCP, sina Toph de Venecia, ABS, Viva, Regal, GMA, ABC5, everyone is doing something now that will help us get to where we want to be sooner than we think. And tingin ko may maaambag ako du’n,” patuloy ni Direk Lino.

Ayon sa kanya, ang next line-up ng Rein projects ay kolaborasyon nila ng ABS-CBN, Viva, Regal at iba pang networks.

Hirit niya, “Parang collaboration is such a beautiful thing. And ako, I’m excited to work with people like Vico (Sotto), I’m excited to work with Yorme Isko (Moreno) if he gets back in Manila, I’m excited to work with the neighbors and the other mayors, hindi ko nakikitang parang hindrance ‘yung dayalogo saka nakikipag-usap sa mga hindi mo kapareho ng pananaw sa pulitika.”

Malamang ay maging kontrobersyal ang isa sa 2025 offerings nila, ang six-part crime-drama series na pinamagatang “Drug War (A Conspiracy of Silence)” ni Direk Shugo Praico.

Pagbibidahan nina Ian Veneracion, Harvey Bautista, Romnick Sarmenta, Lotlot de Leon at Jane Oineza with the special participation of John Arcilla, ang “Drug War” ay sequel ng multi-awarded “The Bagman” ni Rep. Arjo Atayde.

Paglilinaw ni Direk Lino, wala itong kinalaman sa EJK hearings na isinasagawa ng Kamara at Senado.

Aniya, “Mas tungkol siya sa mga kwento ng mga naging biktima at naipit du’n sa drug war… exploration siya ng mga nangyari nu’ng panahon na ‘yon. Bakit nagkaroon ng panahon na may nanahimik at nagbingi-bingihan, pa’no tayo nakarating du’n sa panahon na ‘yon (noong 2016)?”

Maliban sa “Drug War,” nariyan din ang isa pang proyekto ni Direk Shugo, ang “Caretakers,” na pinagbibidahan naman nina Iza Calzado at Dimples Romana, at ang isa pang pelikula kung saan tampok naman sina Richard Gomez at Elijah Canlas.

AUTHOR PROFILE