Lino

Direk Lino nangakong ’di tatalikuran ang showbiz

February 20, 2025 People's Tonight 232 views

Kilala ang pamilya Monteverde, sa pangunguna ni Mother Lily Monteverde (SLN), na matulungin sa mga politiko na may magandang hangarin sa kanilang mga nasasakupan.

Sa pagkakatanda namin, si Mother Lily ang nagsimulang maglapit sa entertainment media ng mga politikong naging parte na rin, eventually, ng showbiz world.

Isa si Direk Lino Cayetano sa mga ito.

Ngayong dumaraan sa pagsubok ang kandidatura niya dahil sa paninira ng ilang kampo, hindi siya pinababayaan ni Roselle Monteverde at ng anak nitong si Atty. Keith Monteverde. Agad silang nagpatawag ng mediacon para sa embattled direktor.

Dito ay klinaro ni Direk Lino, na tumatakbo bilang kongresista ng 1st district ng Taguig City, na kahit hindi sila okay ng kuya niyang si Sen. Alan Peter Cayetano at ng sister-in-law niyang si Taguig City Mayor Lani Cayetano, naniniwala siya na blood is thicker than water.

Maganda umano ang pagpapalaki sa kanila ng mga magulang nilang sina dating senador at abogadong Rene Cayetano at Sandra Schramm-Cayetano.

Sey pa ng direktor, “Naniniwala ako na maganda ang intensiyon namin pareho ni Mayor Lani at Kuya Alan. May mga tao talagang may sariling interes na pilit kaming pinag-aaway.

Kilala ako bilang independent-minded sa aming magkakapatid at hindi basta-basta sumusunod. Pinag-aaralan ko ang bawat desisyon ko.”

Matatandaan na nu’ng panahon ni Direk Lino bilang Taguig mayor, hinangaan ang siyudad bilang model city ng DOH, MMDA at private sector. Ito ‘yung panahon ng Covid-19 pandemic.

Bukod sa health centers at drive-thru testings, nanguna rin ang Taguig sa pagbabakuna. Ito rin ang isa sa mga nanguna sa pagbabalik ng mga sinehan at tumulong sa pagbangon ng industriya ng entertainment.

Palarin man sa mid-term elections, nangako si Direk Lino na hinding-hindi iiwan ang show business.

Ang kompanya niyang Rein Entertainment ay naniniwala sa makabuluhang collaborations o partnerships. Kaya naman tuloy ang pakikipag-partner nito sa ABS-CBN, Iflix, GMA, Viva at ngayon nga, sa Regal Entertainment ng pamilya Monteverde para sa pelikulang “The Caretakers.”

Anang direktor, “Naniniwala ako sa kahalagahan ng partnerships. Noong panahon ng pandemya, naging partner ko ang ilang mga mayor na hindi ko kasama sa politika. Bilang producer, saksi ako na kahit ang mga magkakaribal na produksyon ay pwedeng magsasama-sama para sa ikabubuti ng mas nakararami.”

Ang horror film na “The Caretakers” ay pinagbibidahan nina Iza Calzado at Dimples Romana sa ilalim ng direksyon ni Shugo Praico. Mapapanood ito sa mga sinehan nationwide simula Feb. 26.

REGGEE BONOAN

AUTHOR PROFILE