BiINI

Direk Lauren nag-alok ng reward kapalit ng standee ni BINI Sheena

June 22, 2024 Vinia Vivar 132 views

Nanawagan na sa publiko ang Star Magic head na si Direk Lauren Dyogi na ibalik ang nawawalang standee ng isa sa mga miyembro ng Pinoy pop group na BINI na si Sheena Catacutan.

Sa Instagram reel na ibinahagi ng Star Magic, mapapanood ang campaign ni Direk Lauren na may hashtag na “#SheenaHanapHanapKita” para hanapin ang standee na nawala noong June 11.

“#BINI: Huwag muna tayong umuwi BLOOM, at sama sama nating hanapin ang nawawalang standee ni Sheena! Ilabas na ang inyong mga detective skills dahil we can’t feel good kung hindi #WaloHanggangDulo ang ating BINI standees!” pahayag ng executive.

Nakalagay din sa caption na makatatanggap ng reward ang kung sino mang makapagbabalik ng standee ni Sheena.

Sa video ay nagpasalamat si Direk Lauren sa lahat ng Blooms (tawag sa fans ng BINI) sa walang sawang suporta ng mga ito lalo na sa nagdaang third-anniversary celebration ng grupo na ginanap sa One Ayala Mall noong June 11.

“Hello, Blooms! I hope it’s a good day for all of you. Unang-una, I’d like to thank you on behalf of the entire BINI and ABS-CBN Management for all the support you’ve been giving to the girls these past few events. Maraming, maraming salamat po.

“They were very, very heartwarming events kasi ang dami-dami po talaga sumusuporta ngayon sa ating beloved girls sa BINI. Especially during the BINI Day, natutuwa kami na marami ang pumunta sa first Happy BINI Day celebration natin sa One Ayala,” mensahe ni Direk Lauren.

Sa naturang anniversary celebration nangyari ang hindi inaasahan na may kumuha ng standee ni Sheena at hinihinalang ang isa sa mga gumawa nito ay fan ng BINI.

“I hope hindi siya Bloom, pero malamang at sa malamang, eh, Bloom itong taong ‘to, dahil nandu’n sa BINI Hour — na medyo po tumangay sa isa nating standee,” ani Direk Lauren.

Kaya naman nakiusap ang ABS-CBN exec na sana ay maibalik sa kanila ang standee ni Sheena.

“Unang-una, nakakalungkot kasi to know that isang Bloom ang puwedeng gumawa nito. Hindi maganda ‘yung pagkukuha ka ng bagay na hindi sa inyo.

“At the same time, very important ito sa amin. Very important, not only figuratively because kailangan kumpleto sila, but because it happened on the anniversary day of BINI. Gusto namin na kumpleto talaga ang standees ng BINI so that all other Blooms can also enjoy it, have pictures with them,” pahayag ni Direk Lauren.

Inanunsyo rin niya na bibigyan nila ng reward ang makapagsasauli ng naturang standee.

“Magkakaroon po ng magandang reward, isang surprise na reward sa mga darating na panahon. Magkakaroon ng special reward itong sino man na makakapagbalik sa amin ang standee ni Sheena.

“Kailangan po hindi kayo ‘yung kumuha nu’n. So humingi po ako ng tulong sa iba pong mga Blooms natin na may alam, o puwede magturo, o puwede magdala pabalik dito sa ABS-CBN ni Sheena.

So, puwede niyo pong ipagbigay alam sa amin ‘yan kung paano kami, paano natin matutuntun ang nawawalang standee ni Sheena na ‘yan.

“Sabi nga, walo hanggang dulo. So, pakitulungan niyo na po kami mahanap ang nawawalang standee ni Sheena. Hashtag #SheenaHanapHanapKita,” pahayag ni Direk Lauren.

AUTHOR PROFILE