Beki

Direk Joel, binigla sina Christian at Sean sa eksenang laplapan

August 24, 2021 Ian F. Fariñas 573 views

ISA’T kalahating taon natengga ang award-winning actor na si Christian Bables sa pag-arte kaya naman ganu’n na lamang ang pasasalamat niya sa Viva Films at kay Direk Joel Lamangan sa pagkakataong mapasama siya sa comedy-drama film na Bekis on the Run.

Sa virtual mediacon kahapon ng Vivamax exclusive na magsisimulang mapanood sa September 17, sinabi ng aktor na miss na miss na niyang umarte.

Masarap daw sa pakiramdam na muling makapagtrabaho kasama ang co-stars niyang sina Kylie Versoza, Diego Loyzaga at Sean de Guzman.

Sa totoo lang daw, isa rin siya sa mga na-challenge ang “sanity” sa panahon ng pandemya.

Ilang beses nang nakapag-portray ng gay roles si Christian (gaya ng Die Beautiful at Panti Sisters) pero dito sa Bekis on the Run lang daw siya pumayag na magkaroon ng laplapan at bed scenes sa kapwa lalaki.

Papel ng dating magdyowa ang ginagampanan nina Christian (bilang Donald) at Sean (Martin) sa pelikula.

Kwento nila, binigla sila ni Direk Joel dahil wala sa script ang intimate scenes na ginawa nila.

Ganunpaman, hindi raw sila nagkailangan.

Nakatrabaho na ni Sean si Direk Joel sa Anak ng Macho Dancer kaya hindi na siya nagulat sa ipinagawa nito.

Si Christian naman, inamin na bilang aktor, may gulat factor sa kanya ang naging hakbang ng batikang direktor, pero malaki raw ang tiwala niya rito kaya pumayag na rin siya.

Kung hindi raw si Direk Joel o kung sinumang direktor na pinagkakatiwalaan niya ang nasa likod ng proyekto, malamang na hindi niya ito ginawa.

Dagdag naman ni Sean, nag-usap sila ni Christian bago sumalang sa maseselang eksena kaya kahit papaano ay handa ang mga loob nila sa mga gagawin.

“From an actor’s point of view, once kasi na in character ka na, alam mo kung saan siya nanggagaling, kung anuman ang hingin sa ’yo ng direktor, ’di ka na maiilang. Kasi alam mong parte ’yon ng pagkatao ng karakter mo. So ’yung ilang, ’di siya present.

“Sean and I were always in character. So ’yung ilang, ’di siya naging factor,” pag-ayon ni Christian.

Puring-puri naman ni Direk Joel, hindi lang ang dalawa, kundi maging sina Diego at Kylie.

Masuwerte raw siya sa apat dahil mahuhusay at wala siyang natarayan o nasigawan sa set.

“I never had a problem,” anang direktor, “mahuhusay sila, professional at magaganda ang attitude sa pagtatrabaho.”

Ang Bekis on the Run ay kwento ng magkapatid na Donald (Christian) at Andres (Diego) na susubukang magnakaw para maipaopera ang kanilang Nanay Pacing (Lou Veloso).

Kaso, palpak ang kanilang plano kaya mapipilitan silang tumakbo kasama ang partner ni Andres na si Adriana (Kylie).

Bukod sa pagiging comedy-drama film, tatalakayin din ng movie ang korapsyon at iba pang tema gaya ng gay men sa military.

So far, meron nang 2.1 million views ang Bekis on the Run trailer sa lahat ng socmed accounts ng Viva.

AUTHOR PROFILE