Joel Lamangan & Cherry Pie Picache

Direk Joel at Cherry Pie, tinawag na sinungaling at plastik ni Direk Darryl

February 21, 2023 Vinia Vivar 399 views

Matapang at diretsahang sinagot ni Direk Darryl Yap ang mga naging pahayag nina Direk Joel Lamangan at Cherry Pie Picache laban sa kanya nitong mga nakaraang araw.

Sa grand mediacon ng pelikula ni Darryl na Martyr or Murderer nitong Lunes, pagkatapos ng Q&A portion ay hindi na kinailangan pang tanungin ang direktor hinggil sa issue at kusa na siyang nagsalita sa harap ng press/vloggers/bloggers na dumalo.

Aniya, sasagutin na lang niya nang minsanan at isahan ang mga sinabi nina Direk Joel at Cherry Pie hinggil sa tapatan ng pelikula nilang MoM at Oras de Peligro na parehong ipapalabas sa March 1.

Matatandaang sa mediacon ng Oras de Peligro kasi ay nasabi ni Direk Joel na hindi sila ang tumapat sa MoM kundi kabaligtaran.

“Sila ang tumatapat, hindi kami. Ibig sabihin, napakaimportante ng pelikulang ito kaya nila tinatapatan at takot sila,” ang naging pahayag ni Direk Joel.

Si Cherry Pie naman ay nagpahayag na hindi siya magpapadirek kay Darryl at sey pa niya, “May konsensiya pa ba siya?”

Ipinakita muna ni Direk Darry ang video ng past interview ni Direk Joel noong July, 2022 bago pa man ipalabas ang Maid in Malacañang, part 1 ng MoM.

Sa nasabing video ay sinasabi ni Direk Joel na gagawa siya ng pelikula at tatapatan niya ang Maid in Malacañang.”

Matapos i-play ang video ay nagbigay na ng kanyang dire-diretsong pahayag si Darryl.

“Direk Joel, huwag po nating lolokohin ang mga tao. Ang tanda-tanda mo na, sinungaling ka pa. Ang hindi ko pagsasalita laban sa ‘yo ay ‘di kabaitan. Hindi ‘yun karuwagan,” simula ni Darryl.

Ayon pa sa filmmaker, hindi siya ang tumapat sa pelikula ni Direk Joel at ang video na ipinakita niya ang magpapatunay dito.

“Direk Joel, Cherry Pie and even Allen Dizon (na nagsabing) ‘hindi naman ginawa para tapatan, parang nagkataon lang.’ Ang paplastik n’yo naman! Ang tatanda n’yo na, ang sinungaling n’yo pa,” mariing sabi ni Direk Darryl.

Dagdag pa niya, “Hindi ako malaking direktor para i-bully n’yo nang ganito dahil marami kayong kakamping press. Hindi n’yo ako pwedeng sipa-sipain na lang.

“Direk Joel, kakaopera mo lang nu’ng December. Paulit-ulit ko ‘yang sinasabi sa sarili ko para hindi humantong sa ganito, but you just don’t stop.

“Huwag kang magsinungaling na kami ang tumatapat sa ‘yo. Ikaw ang tumapat sa amin. Kung hindi matanggap ng ego mo na isang gaya ko lang ang tatapatan mo, problema mo na ‘yon.”

Ang payo pa niya sa dalawa ay, “You know, Direk Joel, Miss Cherry Pie, ‘yung natitira ninyong panahon sa mundong ito, huwag n’yong gamitin para magsinungaling.

“Mag-meeting kayong dalawa kung paano ninyo ipu-promote nang marangal ang pelikula ninyo because we are not using your names, we’re not mentioning your names in any presscon.

“Stop this jurassic form of promotion. That’s the only and the last statement that I will deliver.

“Don’t you dare malign my bosses, all the money that was produced here were all from hard work. Viva is not like that. Senator Imee is not like that.”

Sa huli ay nagpahabol pa ng mensahe si Darryl kay Direk Joel and company.

“Huwag masyadong makapal ang mukha ninyo. This is the day of information technology. Lahat ng sasabihin ninyo, may record.

“For once, hindi kami ang tumatapat. Secondly, hindi kami natatakot sa inyo. Huwag kayong sinungaling. Kung nagsisinungaling kayo sa dahilan ng paggawa ninyo ng pelikula, paano maniniwala ang tao sa inyo na totoo ang naranasan niyo noong Martial Law? Now, I’m doubting them. Thank you and good evening,” pagtatapos ni Direk Darryl.

AUTHOR PROFILE