Direk Darryl: Walang masama sa mahjong
PINUTAKTI ng bashers at nag-trend sina Direk Darryl Yap at Giselle Sanchez kahapon dahil sa controversial mahjong scene sa Viva Films/VinCentiments movie na Maid in Malacañang, na magbubukas ngayong Miyerkules sa 200 theaters at sa iba’t ibang parte ng mundo sa mga susunod na linggo.
May kinalaman ang eksena sa pagma-mahjong ng karakter ni Giselle na tinawag niyang “her character” sa isang FB post kasama ang ilang madre na ipinag-react naman ng prioress ng Pink Sisters.
Sa FB page ng VinCentiments ay inilabas din ang reaksyon ni Direk Darryl sa isyu.
Bahagi ng pahayag ng direktor: “I would like to invite our Sisters to watch the film; if they are ostentatious about details, I don’t think there is a need for this ‘ouch’ and ‘involvement.’
“Nung pinaalis ng bansa ang Pamilya Marcos, Wala po si President Cory sa isang Monasteryo.
“Wala rin pong masama sa ‘Mahjong’ pampalipas-oras man o pangmagkakaibigang-laro.”
Patuloy ni Direk Darryl, hindi niya naisip konsultahin ang mga madre tungkol sa eksena dahil naniniwala siyang hindi ito kailangan.
“Gaya po ng sinabi nila, hindi naman po nakabrown at walang binanggit na ‘Huy mga Carmelite Sisters, ano na?’
“Pero kung talagang dapat po ikinunsulta ko ang paggawa ko ng pelikula…. hihingi ako ng advise kay VALAK, kung paano, kailan at kanino siya kumunsulta.”
Post pa ng VinCentiments, “bagamat hindi po namin maintindihan bakit nagcomment ang CARMELITE SISTERS, gayong wala naman po si President Cory sa Cebu nang maganap ang phonecall…. bilang respeto ay hindi na namin palalakihin. Wag po natin sulsulan at ipahamak ang mga Madre. Pakiusap.”
Samantala, gaya ng ipinangako ni Sen. Imee Marcos, nag-donate nga ang cast at crew ng Maid in Malacañang ng P500,000 sa mga pamilyang nilindol sa Ilocandia at Abra kamakailan.
Ang nasabing halaga ang dapat sana’y inilaan sa catering noong gala red-carpet premiere ng pelikula.
“We hope viewers will understand the simple opening night of our film. Enough for me and my family to show our side of the story and history. It is more important now that we help our countrymen affected by the earthquake,” bahagi ng opisyal na pahayag ni Sen. Imee.