Mom

Direk Darryl, may pa-teaser sa ‘MoM’

August 7, 2022 Vinia Vivar 537 views

Nilinaw ng kontrobersyal na direktor ng Maid in Malacañang na si Darryl Yap na hindi niya minenos o binalewala ang mga biktima ng Martial Law sa ilalim ng administrasyon ng dating Presidente na si Ferdinand Marcos.

“Walang dapat ipag-alala ang mga nasaktan noong panahon na ‘yun, sapagkat hindi ko naman sinabing walang nasaktan noong panahon na ‘yun.

“Hindi ko sinabing walang naabuso, walang natapakan o ‘di naman kaya ay walang kalabisan o pagkukulang ang mga Marcos,” pahayag ni Darryl sa panayam with Boy Abunda’s talk channel, The Interviewer Presents.

Naniniwala raw siyang may mga kalabisang naganap during Martial Law pero hindi siya naniniwalang ang lahat ng utos ay nanggagaling sa Malacañang.

“Sa mga biktima naman po ng Batas Militar, hindi ko po puwedeng sabihin na ang panunungkulan ng kahit sinong presidente ay perpekto, ang panunungkulan ng kahit sinong opisyal ng gobyerno ay walang butas.

“Ako po, naniniwala ako na may mga kalabisan during Martial Law. Pero hindi po ako naniniwalang lahat ‘yun ay utos na nanggagaling sa Malacañang,” aniya.

Sinagot din ni Darryl ang mga nanghuhusga sa Maid in Malacañang na diumano ay basura at binago ang history.

“Ano ang nakakapagbago ng history kapag pinilit ni Irene (Marcos) si Ferdinand na ‘umalis na tayo dito.’ Meron ba ‘kong nabago sa kasaysayan?

“Kapag ang mga katulong, gustong makipagpatayan at makipaglaban sa EDSA, mayroon ba akong binago sa kasaysayan?

“’Yun ang magiging tanong ko, eh, sa mga kasamahan ni Direk Joel (Lamangan) at sa mga nagsasabing ‘eto ay basura, ‘eto ay pagbabago sa history, tinatalikuran nito ang validation ng pang-aabuso, I don’t think so,” he said.

Anyway, kasalukuyang tumatabo sa takikya ang MiM sa kabila ng mga pambabatikos na natatanggap nito.

Base sa pinakahuling post ng Viva Films kahapon sa Instagram ay naka-P100M gross na ang pelikula.

Mukhang pinagpaplanuhan na ng Viva at ng direktor ang susunod na installment sa trilogy, ang MoM (Martyr or Murderer).

Katunayan, nag-post si Direk Darryl ng isang litrato sa social media ng isang lalaking naka-salamin na may hawig kina Phillip Salvador at Herbert Bautista.

Nilagyan niya ito ng caption na “wishful thinking” at iaanunsiyo raw ang napiling lead actor kapag pumayag na itong gampanan ang naturang papel sa MoM.

Bermas

NAILANG SA GIRL TO GIRL LOVE SCENE

Matapos ang mahusay niyang pagganap bilang Pinay Scorpio Nights 3 ay may bago na namang pelikulang pinagbibidahan si Christine Bermas, ang sexy romance-thriller na Lampas Langit.

Kasama naman niya rito sina Baron Geisler, Ricky Davao, Chloe Jenna, Ivan Padilla, Milana Ikemoto, Quinn Carrillo mula sa direksyon ni Jeffrey Hidalgo.

Sa digital mediacon na ginanap para sa pelikula ay natanong si Christine kung may itotodo pa ba siya sa Lampas Langit pagkatapos niyang ibigay ang lahat-lahat sa Scorpio Nights 3.

Inamin naman ni Christine na naipakita na niya talaga ang lahat sa Scorpio Nights 3 pagdating sa pagpapa-sexy kaya hanggang dito na lang daw siya talaga.

Ang gusto naman daw niyang makita ng mga tao sa mga susunod niyang pelikula ay ang kanyang pag-arte.

Aniya, gusto na niya talagang grumadweyt sa pagpapa-sexy at paggawa ng matitinding intimate scenes.

Kaya nga raw rito sa Lampas Langit ay hindi na ganu’n ka-wild ang kanyang mga love scene.

Pero ang bagong makikita sa kanya sa Lampas Langit ay ang girl-to-girl love scene nila ni Chloe.

“First time ko siyang ginawa talaga at parang nailang talaga kami ni Chloe sa isa’t isa,” natatawang sabi ni Christine.

Mapapanood na sa August 19 ang Lampas Langit sa Vivamax.

AUTHOR PROFILE