Diplomatic bombshell ang executive clemency kay Maryjane Veloso
IYONG mga nagsusulong ng executive clemency kay Maryjane Veloso pag nailipat sa Phippine government ang custody nito ay kailangang magdahan-dahan muna.
Kung sakali ngang makumpleto na ang documentation at maglabas ng bagong polisiya ang Indonesian government, maibabalik nga dito si Veloso matapos ang mahigit 14 years na pagkakalulong sa Indonesia dahil sa kasong pagdadala ng droga.
Bitay ang orihinal na hatol sa kanya subalit naibaba sa life sentence dahil sa intervention ng Philippine government magmula pa noong 2014.
Si Veloso ay naaresto ng Indonesian authority dahil sa posesyon ng 2.6 kilos ng heroin. Death penalty by firing squad ang hatol sa kanya subalit naibaba sa habambuhay na pagkabilanggo dahil sa mabuting relasyon at pagkakaibigan ng Pilipinas at Indonesia.
Ngayong nagkakalinaw ang posibilidad ng prisoner transfer ng Indonesia, hindi natin ito dapat tingnan bilang tiyansang mangibabaw ang batas ng ating bansa sa pagkakasalang nagawa ng ating kababayan sa ibang teritoryo.
“We created a new policy that we had never done before. Not to release or give pardon to foreigners convicted by our court but instead we created a policy that is called transfer of prisoner,” sabi ito ng Indonesian Minister of Law and Human Rights.
Sabi pa ng Indonesian official, umaasa silang kapag umiral na ang pinakabagong polisiya na ito, irerespeto ng mga bansang magre-request ng prisoner transfer ang naging hatol ng kanilang korte at kikilalanin pa rin ang batas ng Indonesia.
Malinaw ang sinasabi ng Indonesian government, ang inaasahan nila sa foreign country na lilipatan ng kanilang preso ay irerespeto pa rin ang kanilang batas at ang naging hatol ng kanilang korte.
Ang anumang pagkilos na lagpas sa sinabi ng Indonesian ay maaring may mabigat na implikasyon sa hinaharap. Hindi tayo dapat magpadalos-dalos sa pagbibigay ng executive clemency sa ating kababayan dahil posibleng makasira ito sa diplomatikong relasyon natin sa kanila.
Alam nyo ba iyong palaging sinasabi na ng mga matatanda sa una? “Ibinigay na nga ang kamay, gusto pang sagpangin ang braso.”
Hindi lamang tayo lalabag sa Indonesia law kapag pinalaya agad natin si Veloso, tayo ay mamarkahan bilang bansang abusado. Ang una naman talagang kahilingan ng Philippine government mula pa noon ay mailipat si Veloso sa Philippine jail para pagsilbihan ang sentensiya.
Bago pa ito, humiling tayo na huwag ituloy ang firing squad at kung maari ay maging life sentence na lang ang hatol. Naibigay na sa atin ang dalawang ito, commuted ang hatol at malamang ibigay pa sa atin ang custody, hindi pa rin ba tayo kuntento rito?
Kung dumating ang isang araw at magtagumpay ang mga nag-uudyok kay President Marcos na bigyan ng executive clemency, ano kaya ang magiging damdamin ng Indonesian government kapag nakitang naglulundag sa saya si Veloso habang papalabas ng selda?
Hindi pangkaraniwang kaso ang kinasangkutan ni Veloso, drug trafficking ito na mahigpit ipinagbabawal ng lahat ng bansa. Kahit sabihin pa nating biktima siya ng pagkakataon or kahit sabihin pa nating hindi niya alam na droga ang pinadala sa kanya papasok sa Indonesia, nanatili ang katotohang nasa posesyon niya ang kontrabando sa mga oras na nahuli siya.
Magbibigay tayo ng masamang mensahe sa buong mundo kung lalagpas tayo sa gustong mangyari ng Indonesia sa prisoner transfer na ito.
At ang mas mabigat na implikasyon nito sa hinaharap ay malamang, pugutan na lang ng ulo ang mga kababayan nating masasakoteng nagpupuslit ng droga sa ibang bansa at wala nang papakingkang pagsusumamo mula sa ating pamahalaan.
Kung talagang gusto nating mabigyan ng pardon or execututive clemency si Veloso, puwede naman yan subalit kailangan pa nating maghintay ng anim na taon para maisilbi ang minimum requirement na 20 years sa life sentence, kasama na ang good conduct-time allowance.
Hindi na tayo masusumbatan ng Indonesia kung magdesisyon man tayo sa tamang panahon na papabor sa ating kababayan.
Huwag nating ipahamak si President Marcos sa ating pag-uudyok please.