Diokno

Diokno: Pasya ng Pinoy tanggapin

May 13, 2022 Lee Ann P. Ducusin 65 views

NANAWAGAN ang natalong senatorial candidate na si Atty. Chel Diokno sa kanilang mga supporters na tanggapin ang naging desisyon ng sambayanang Pilipino.

Sa partial na resulta pagdating sa senatorial race naka-puwesto sa panglabing-siyam si Diokno na tumakbo sa ilalim ng tambalang Leni-Kiko at may 9,871,675 na boto.

Ayon kay Diokno, maliwanag ang naging resulta ng quick count kaya dapat ay tanggapin ang desisyon ng taumbayan.

“Malinaw ang resulta ng quick count, at sa isang demokrasya, karapat-dapat na tanggapin ang pasya ng taumbayan,” ayon kay Diokno.

Sinabi pa ni Diokno na ipinagdarasal niya na ang tagumpay ng mga nanalong kandidato ay maging tagumpay din ng sambayanang Pilipino.

“Sa mga nanalo, ibinigay sa inyo ang mandato at kapangyarihan ng gobyerno. Ipinagdarasal ko na ang inyong tagumpay ay tagumpay para sa lahat ng Pilipino,” sabi ni Diokno.

Hinikayat pa ni Diokno ang mga kababayan na ipagpatuloy ang pagmamahal sa bayan at sa mga kababayan sa kabila ng pagkatalo nila sa halalan.

“Masakit ang naging resulta, ngunit huwag tayong mawalan ng pag-asa at pagmamahal para sa ating bayan at mga kababayan,” dagdag ng abogado.

Sa presidential race, nanatiling nangunguna pa rin si president-in-waiting Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na kasalukuyang may boto na 31,078,996 at may 16,269,469 kalamangan sa pumapangalawang si Robredo na may 14,809,537 na boto.

Namamayagpag din si vice president in waiting na si Mayor Inday Sara Duterte na may 31,532,161 at sobrang malayo kay Kiko Pangilinan na may 9,224,405 lang na boto.

Tinanggap na rin ng ilang presidential candidates ang kanilang pagkatalo tulad ni Sen. Manny Pacquiao, Isko Moreno, Leody De Guzman, Sen. Ping Lacson at iba pa.

Binati naman nila si Marcos dahil malinaw na ang kanyang tagumpay.

Habang si Robredo ay tikom pa ang bibig at nanawagan na tuloy ang kanyang laban kahit malabo na itong makahabol pa kay Marcos. Ni LEE ANN P. DUCUSIN

AUTHOR PROFILE