Default Thumbnail

Diokno, Eleazar at Tulfo, kailangan natin sa Senado

March 6, 2022 Vic Reyes 396 views

Vic ReyesKAHIT na kulang sa financial at manpower resources, marami ang naniniwala na malaki ang tsansa nina human rights lawyer Chel Diokno, dating PNP Chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar at Idol Raffy Tulfo para maging senador.

Ang kailangan lang siguro ay manatiling nasa limelight sina Diokno, Eleazar at Tulfo hanggang sa araw ng eleksyon dahil talaga namang mabibigat ang mga kandidato sa pagka-senador.

Pero naniniwala tayo na iba ang track record ng mga kandidatong ito. Kailangan natin sina Diokno, Eleazar at Tulfo para may boses ang mga mahihirap at naaapi sa Senado.

Ang totoo niyan, marami ang boluntaryong nangangampanya para sa kanila.

Kahit hindi ipinapaalam kina Diokno, Eleazar at Tulfo ay tuwang-tuwa ang mga lihim nilang supporter sa tuwing ikinakampanya sila sa kanilang mga kaibigan dahil sa kagustuhang manalo ang mga ito.

Ang mga ganitong suporta ay makatutulong ng malaki para mapasama sa winning circle pagkatapos ng halalan sa Mayo 9.

Kung pagbabasehan ang mga nagawa, isa si Diokno sa walang kakupas-kupas ang kinang ng pangalan sa mga taong natulungan niya sa loob ng mahabang panahong pagsisilbi niya bilang abogado.

Kaya nga kapag nananalo sa Senado, ang mga naaping “dehado ay maliliyamado.”

Malaking bagay naman ang magandang rekord ng dating hepe ng pambansang pulisya upang mapanatili ang ningning ng kanyang pangalan kahit wala na siya puwesto.

At siyempre, hindi matatawaran ang walang humpay na serbisyo publikong naibibigay ni Idol Raffy Tulfo. Sa katunayan dahil sa walang humpay na pagtulong niya sa mga mahihirap at naapi, pangalawa siya sa mga survey ng kandidato para sa Senado.

Kung ngayon pa lang na wala pa sa puwesto ah nakatutulong na ng malaki si Idol Raffy, siguradong mas marami pa ang maiiambag njya para sa kabutihan ng taumabayan kapag nahalal na siya sa Senado.

***

Mahigit tatlong buwan na lang ay matatapos na nga ang anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte na nagsimula noong tanghaling tapat ng Hunyo 30, 2016.

Sa katunayan, si Duterte, na taga-Davao City, mismo ang nag-anunsyo kamakailan na ngayon pa lang ay nagsimula na siyang mag-impake kagaya ng mga naging pangulo ng bansa.

Sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas, na binalangkas noong panahon ni yumaong Presidente Cory C. Aquino, ang termino ni Duterte ay magwawakas sa Hunyo 30, 2022.

Ang malungkot, marami ang problemang kinaharap ni Duterte nitong mga huling tatlong taon ng kanyang termino.

Nandiyan yong coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nagsimulang magpahirap sa mga Pinoy noong kalagitnaan ng Marso 2020, na kung saan inilagay sa lockdown ang buong Luzon.

Sinalanta rin ng mga bagyo ang bansa at pagkatapos ay nagsimulang tumaas ang presyo ng mga bilihin.

At ngayon nga ay bumulaga sa mundo ang giyera sa Europa sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Dahil dito, lalong tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo na nagpataas pa ng presyo ng pangunahing bilihin sa bansa.

Ang lalong masakit ay lumobo ang utang na Pilipinas sa loob at labas ng bansa dahil sa kakulangan ng pera ni Juan dela Cruz.

Marami nga ang nagsasabing kawawa ang mahahalal. na bagong Pangulo ng bansa dahil sa dami ng mga problemang mamanahin niya sa papaalis na administrasyon.

***

Sana nga tuloy-tuloy na ang pagbaba ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 kahit na isinailalim na ng gobyerno sa Alert Level 1 ang Metropolitan Manila at iba pang lugar sa bansa.

Ito ay magandang balita dahil talagang hirap na ang mga kababayan natin.

Ngayon, muli nang nabubuhay pati ang industriya ng turismo.

Masaya naman ang taumbayan dahil nakalalabas na sila para magtrabaho, mamasyal at kumain sa mga paborito nilang restaurant kasama ang buong pamilya.

Hindi kagaya sa ibang bansa, kung saan patuloy na nananalasa ang COVID-19, lalo sa Hongkong.

Dito sa atin, mukhang nakontrol na ang pagkalat ng nakakamatay na virus.

Nawala na ang takot ng mga Pinoy sa bakuna. Ito ang dahilan kung bakit tagumpay ang vaccination program ng gobyerno.

Pero kailangan pang mabakunahan ang mas marami pang senior citizens para tuloy-tuloy na ang pagbangon ng ating ekonomiya.

Ang vaccination program talaga ang pinakamabisang paraan para matapos na ang pandemyang ito na nagpalugmok sa ekonomiya ng buong mundo.

Pero kailangan pa rin nating sumunod sa mga health and safety protocols para huwag naman madiskaril ang mga programang naglalayong mapabilis ang ating recovery.

Kung hindi, baka hindi na tayo na makaahon sa kahirapang dulot ng pandemyang nagsimula pa sa China.

Kaunting tiis na lang mga kababayan.

Para sa kaligtasan din naman nating lahat kung patuloy tayong mag-iingat.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE