‘Dinukot ng NPA natagpuang patay
PATAY na nang matagpuan ang lalaking pinaniniwalaang dinukot ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) halos tatlong taon na ang nakalipas sa Gonzaga, Cagayan.
Nakilala ang biktima na si Mark Angelo Asuncion, 22, ng Barangay Sta Clara, Gonzaga, Cagayan.
Ayon kay Capt. Mark Anthony Capiyok, chief media officer ng 95th Infantry Battalion ng Philippine Army (PA), dinukot ng mga tauhan ng Komiteng Probinsya noong Agosto 21, 2021 si Asuncion.
Papunta na ang biktima sa Barangay Rebecca para bantayan ang kaanak na may sakit nang dukutin siya ng mga rebelde.
Agad na ipinagbigay-alam ng mga kaanak ng biktima ang insidente sa mga pulis pero hindi na rin nagawa pang mahanap ang biktima.
Nalaman na lang sa ibang tao na nasa bundok na si Asuncion kasama ang mga rebelde.
Sa tulong ng dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan kamakailan natunton ang labi ni Asuncion sa barangay Dungeg sa Sta. Teresita.
Ayon sa dating rebelde, nilitis sa “kangaroo court” si Asuncion bago tuluyang pinaslang.
Sa pagtutulungan ng 95th IB, 5th Mechanized Infantry Battalion, Cagayan PNP, Regional Mobile Force Battalion 2, Scene of the Crime Operatives (SOCO), at Marine Battalion landing Team 10, narekober ang bangkay ni Asuncion at ibinalik sa kanyang pamilya.