Dantes

Dingdong, nagpasalamat kay VP Leni

January 24, 2022 Ian F. Fariñas 333 views

Nagpasalamat ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa Office of the President at kay Vice President Leni Robredo sa ibinigay nilang COVID-19 Care Package matapos mahawa ng virus ang kanyang pamilya at iba pang mga kasama sa bahay, sa pagsasabing malaki ang naitulong ng mga ito sa kanilang paggaling.

“Isa rin sa mga mahalagang natanggap namin ay iyong COVID Care Package ng Office of the Vice President,” ani Dong sa isang Facebook video message sa huling araw ng kanyang quarantine nu’ng Linggo.

“Napakalaking bagay noon dahil naglalaman ng kumpletong mga gamit na kinakailangan ng isang COVID positive patient. Halimbawa, iyong oximeter. Siyempre noong time na iyon, nawawala iyong oximeter namin,” dagdag pa niya.

Dahil daw sa care package, hindi na kinailangan pa ni Dong na lumabas ng bahay at bumili ng kanilang mga kailangan sa botika.

“Maraming, maraming salamat sa OVP at siyempre, kay VP Leni, sa COVID Care Package na pinadala ninyo. Very, very helpful,” wika pa niya.

Pinayuhan din ng aktor ang mga Pilipino na mag-isolate agad kapag nakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19.

Sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant, nagbigay si VP Leni sa mga Pilipino ng libreng testing, telemedicine at COVID-19 kits.

Nang humagupit naman ang Typhoon Odette sa ilang bahagi ng bansa kamakailan, siya rin ang unang personal na bumisita at nagbigay ng relief goods at iba ang tulong sa mga lugar na naapektuhan.

Nagsimula rin siya ng donation drive para sa mga apektadong residente at nangakong tutulong sa pagsasaayos ng mga nasirang lugar.

AUTHOR PROFILE