DILG suportado bagong NSA
BUO ang suporta ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na italaga si dating DILG Secretary Eduardo M. Año bilang bagong National Security Adviser (NSA).
“Noong ako ay Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), naging saksi ako sa sipag at galing ni Año dahil kasama ko siya sa pakikipagdayalogo sa Metro Manila mayors sa paglutas sa mga suliraning kinakaharap ng mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR),” saad ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.
Ayon pa kay Abalos, magkatuwang din sila sa pagbuo ng mga istratehiya at paraan kung paano matitiyak ang kaligtasan ng Metro Manila residents sa ilalim ng Inter-agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) noong kasagsagan ng pandemiya na nagresulta ng tuloy-tuloy na pagbaba ng kaso sa NCR at matagumpay na pagroll-out ng vaccination program sa Kalakhang Maynila.
Ani Abalos, “Ang bunga ng maayos na kooperasyon ng nasyunal at lokal na gobyerno ay nakikita, nadarama at napapakinabangan ng sambayanan ngayong nakakabangon na ang nasyunal at lokal na ekonomiya.”
Naniniwala kami na buong husay na magagampanan ni Año ang kanyang bagong tungkulin bilang NSA at tagapayo ng Pangulo sa mga isyu ng seguridad ng bansa dahil na rin sa malawak na karanasan niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sa Department of National Defense (DND) at pati na rin sa DILG,” saad ng DILG chief.
“Sa loob ng halos limang taong panunungkulan niya sa Kagawaran ay talaga namang napabuti niya ang estado ng mga pamahalaang lokal, lalo na patungkol sa pangkalahatang seguridad, kapayapaan at kaunlaran,” dagdag pa niya.
“Maaasahan ng ating bagong National Security Council (NSC) Chief ang suporta at kooperasyon ng DILG at ng Philippine National Police (PNP) kasama na ang mga LGU sa mga programa at polisiyang ipapatupad niya para sa pangkalahatang seguridad at kapayapaan ng bansa,” pagtatapos ni Abalos.