Allan

Dikit na ang laban sa Maynila

January 22, 2025 Allan L. Encarnacion 391 views

SUNOD-SUNOD ang labas ng mga survey sa mayoralty race sa Maynila nitong mga nakaraang linggo.

Ang tingin kong makatotohanan ay ang inilabas ng Hong Kong based firm na nag-aaral ng mga sitwasyon sa lokalidad sa buong Asya.

Ang HKPH Public Opinion and Rsearch ay orihinal na bahagi ng Hong Kong University bago bumukod noong 2019 at nagbukas ng sariling institution para sa pag-aaral ng pulso ng Asian region. Kinabibilangan ito ng mga dalubhasa at magagaling na mga propesor mula sa academe.

Non-commissioned o walang nagbayad dito sa HKPH para magsagawa ng survey dahil sanay sila sa pagkilos indepedently sa loob ng 30 years na bahagi sila ng unibersidad. Hindi ba katulad ng mga survey natin dito, kung hindi man may nagbayad, naiimpluwensiya sila ng political climate at ng mga lumamabas na propaganda ng mga kandidato.

Bilang kapitolyo ng Republika ng Pilipinas, natural ang tinutukan ng HKPH ng mabusising pag-aaral ay ang lungsod ng Maynila. Alam naman natin kapag sinabing “Dateline Manila”, ang bansa natin ang tinutukoy doon at hindi ang lungsod.

Kaya nga hindi nakapagtatakang matutukan ang laban sa lungsod sa pagitan nila incumbent Mayor Honey Lacuna, former mayor Isko Moreno at Congressman Sam Versoza.

Si Sam na isang artista ay partylist congressman samantalang si Isko naman ay kumandidatong senador na natalo at kumandidatong Presidente ng Republika na natalo rin.

Kaya nga kung personalidad ang usapan, lamang sila Isko at Sam dahil pareho silang national figure. Si Mayor Honey naman ay isang duktor at propesyunal sa kanyang larangan.

Sa mga unang survey noong mga nakaraang taon, palaging nakakalamang sila Isko at Sam kay Mayor Honey dahil nga top of mind ang karaniwang survey.

Pero habang papalapit ang eleksiyon, dito na tumitining ang labanan. Dikitan na ang laban.

Batay sa pag-aaral ng Hong Kong based Asia Research Center, ang momentum ay nakuha na ni Mayor Honey sa kanyang 31%. Bagama’t 46% si Isko, malayo ito sa unang 71% na una nilang inilalabas noong kalagitnaan ng 2024.

Ibig sabihin, nabawasan na ng 25% si Isko mula sa dati niyang puntos na 71%. Si Sam naman, tumaas din ng bahagya, naging 15% mula sa dating 13%.

Mismong ang program director ng HK firm na si Steven Su ang nagkumpirma na walang nakakadomina sa labanan sa Maynila, lalo na’t may apat na buwan pa bago sumapit ang eleksiyon.

Marami pang puwedeng mangyari sa mga susunod na araw, lalo na kapag inilabas na ni Mayor Honey ang lahat ng isyu na dapat malaman ng mga mamamayan ng lungsod.

Ang 15% na namamagitan kina Isko at Mayor Honey ay numerong madaling basagin sa lokal na eleksiyon. Idagdag mo pa ang sinasabi ni Su na may 8% pa ang undecided kung sino ang iboboto nila sa pagkaalkalde sa Maynila.

Malaking kalamangan ni Mayor Lacuna sa aspetong ito bilang incumbent at kilala sa kanyang sinsiridad mula’t mula. Sa bahagi ni Isko, ang mga konserbatibong mamamayan ng Maynila ay tiyak na magtatanong bago bumoto: Una, baklt biglang bumalik si Isko sa pagtakbo sa Maynila matapos matalo sa Pangkapangulo? Pangalawa, hindi ba ito’y isang pag-abandona ng isang taong sinasabing mahal niya ang mga taga-Maynila?

Kung natapos na ang termino ni Isko nang kumandidato siyang Pangulo, wala sanang magiging isyu doon. Pero kauupo lang niya, unang termino bigla na lang tumalikod sa mga taga-Maynila nang maisipang kumandidatong Presidente. At nang matalo matapos ayawan ng mga botante sa buong bansa, biglang babalik sa Maynila.

Hindi ba ito’y isang kapangahasan para sa isang tumalikod sa pagmamahalan?

[email protected]