Digital tsunami

June 30, 2021 Allan L. Encarnacion 533 views

Allan EncarnacionSINONG mag-aakala na darating ang panahon na madadaganan ng digital media ang mga conventional media na ating nakasayanan sa mahabang panahon?

Mga ten years ago, ang diyaryo ko sa aming bahay ay hindi bumababa sa sampung klase araw-araw. Kumbinasyon na ito ng tabloids at broadsheets. Noong nag-oopisina pa ako sa gobyerno at sa pribado, pinakamahinang diyaryo na nasa aking lamesa ay hindi bababa sa kinseng kopya.

Ngayon, kahit isang kopya ng diyaryo, wala na akong binibili, maliban na lamang sa People’s Tonight kapag natiyempuhan kong may hawak ang newsboy.

Kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon, bawat kanto, makakabili ka ng diyaryo. Ngayon, buwenas mo nang makakita ng news stand na ang pagitan ay sa bayan ng Novaliches or sa Monumento, Caloocan. Mga 10 kilometers ang pagitan.

Ang dahilan, iyong ibang tabloid na dati’y nag-iimprenta ng 400,000 copies per day, hindi na pala umaabot sa 30,000 ang kanilang daily production. Minsan, 15,000 copies na lang.

Iyong ibang broadsheets naman na dating 600,000 copies for nationwide circulation, nasa 10,000 hanggang 20,000 copies na lang ang kanilang iniimprenta. Hindi na rin kasi praktikal na mag-imprenta ng napakaraming kopya tapos less than 20% lang ang nabebenta.

Kaya nga maraming print media ang nag-shift na lang sa online news at digital edition. Maraming empleyado ang naapektuhan ng pagbagsak ng news production.

Sa bahagi naman ng electronic media, bumagsak na rin ang viewership ng mga Filipino batay sa pinakabagong studies. Matagal-tagal na rin nangyayari ito dahil aminin man o hindi ng nasa TV industry, marami ang basura na lang ang inilalabas.

Buwenas kung makapagbibigay ng mga may aral o makabuluhang serye. Madalas kasi, ang ipinapakita, singit, cleavage or halikan ng dalawang lalaki o kaya’y landian ng mga teenagers.

Ang radio ang isa sa surviving medium na sa tingin natin ay hindi gaanong nasugatan ng digital age. Bagama’t dominado ng ilang istasyon ang merkado, sa tingin natin ay mananatili ang radyo sa lahat ng panahon.

Pero sa pangkalahatan, iyong social media ang nagkaroon ng commanding role sa buhay ng mga Filipino. Basically, ang gusto ng mga tao, nasa kamay nila ang kapangyarihang pumili ng kanilang panonoorin o babasahin. Kaya nga nang mauso ang telebisyon na may remote control, lahat ng tao ay nagkaroon na nito.

At ito rin ang dahilan kung bakit sobrang successful ang US$8 billion single industry na Netflix. Iyong mismong nanonood ang nagdidikta sa kanyang gustong panoorin at kung kailan niya ito gustong panoorin. At kung quality rin lang ang usapan, nasa 80% ng mga inilalabas sa Netflix ay superb quality.

Sa bahay namin, nabubuksan na lang ang TV kapag news or manonod ng Netfix. Madalas nga, sa internet na lang din ako nagbabasa or nanood ng mga balita. Ito na siguro ang viewing habit ng working class kaya lumabas sa mga pag-aaral na bumagsak ang bilang ng mga nanonood ng telebisyon.

Batay sa Reuters Institute Digital News Report 2021, 72% ng mga Pinoy ay umaasa na lang ng mga news and information sa social media. Sa paghihimay, 73% dito Facebook, 53% Youtube, 36% FB messenger, 19% Twitter, 12% Instagram at 6% Tiktok.

Nasa 47% ng mga Pinoy ang nagse-share ng news gamit ang social media at 17% naman ang nagbabayad para sa news online.

Ang problema sa social media, may question ng reliability pagdating sa news and information dahil nga sa pagkalat ng fake news. Totoo rin namang wala pa ring tatalo sa mainstream media sa usapin ng factual and dependable reporting kahit pa sabihing mayroon din namang sablay sa pagbabalita.

Ang bottomline dito, wala talagang forever kaya importanteng hindi lang dapat mag-step up ang mainstream sa paghahatid ng tama at makabuluhang balita, kailangan din nilang sumabay sa digital tsunami na pumatay sa dating nakagawain ng mga Pilipino na conventional na paghahanap ng mga balita’t impormasyon.

allanpunglo@gmail.com