Cesar

Diego kay Cesar: I will be a happy man if I am half the man that you are

August 10, 2022 Ian F. Fariñas 96 views

CUTE at interesting ang kauna-unahang question and answer video ng mag-amang Cesar Montano at Diego Loyzaga na in-upload sa social media ng Viva Films, producer ng blockbuster first film nila together na Maid in Malacañang.

Sa maikling video ay makikita kung gaano kahalaga ang pagsasama nila ngayon bilang mag-ama on and of screen matapos ang ilang taon ng hindi pagkakasundo dahil sa isang isyu.

Napag-usapan nina Cesar at Diego ang mga importanteng bagay sa buhay nila gaya ng fondest memory ni Cesar sa anak, ang paborito ni Diego sa mga pelikulang nagawa ni Cesar, ang takot ni Cesar na maging action star ang anak at kung anu-ano pa.

May mabibigat ding tanong na binitawan at sinagot ang mag-ama gaya nang tanungin ni Cesar si Diego kung hinanap ba siya nito nu’ng bata pa siya.

“Siyempre, Dad,” ang mabilis na sagot ni Diego.

Dagdag niya, “Yes, nu’ng nasa Australia na ako, oo naman, hinahanap kita. Laging maganda ’yung sinasabi ni Mama, eh. ‘’Yung Daddy mo, nagtatrabaho ’yan. He’s working hard, he’s working for you. He’s working for the family.’ Any son would always look for their father. Hahanapin mo ’yung father figure mo, eh. So, parati kitang hinahanap.”

Nang mapadpad ang usapan ng dalawa sa pangarap ni Diego sa buhay, parang binigyan niya ng tribute ang ama sa pagsasabing, “Unang-una, I will be a happy man if I am half the man that you are. That’s number one.”

Pinapurihan ni Diego si Cesar sa pagsasabing kalahati man lang ng na-achieve nito sa buhay ang ma-achieve niya, magiging proud siya hanggang mamatay.

“The way you took care of your children, the awards and the places you’ve been to because of your acting and the awards that you’ve won. If I reach kahit kalahati lang nu’n, it’ll make me a proud man the day I die and maging proud ang mga magulang ko sa akin,” pahayag ng batang aktor, na gumaganap bilang PBBM sa Maid in Malacañang habang si Cesar naman ang nagpu-portray sa papel ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ginantihan ito ni Cesar ng pagsasabing proud siya kay Diego bilang anak at ipinagsisigawan niya iyon kahit saan siya magpunta.

Wala raw regrets si Cesar sa buhay kundi mga bagay lang na na-miss gaya ng pakikipag-bonding kay Diego habang ito’y lumalaki.

“Siguro kung meron akong mga na-miss ay ’yung nakasama kita nu’ng lumalaki ka,” baling ng aktor sa anak. “Gusto ko habang lumalaki ka, sana kasama kita. Eh, kaso nasa Australia ka, ’yun. But it’s not a regret, it’s something I missed doing with you, bonding and everything.”

Tanggap daw ni Diego kung lagi na lang siyang tawagin bilang “anak ni Cesar.”

“No matter what, since I was a kid until now, people will always recognize me, even though they know my name, kahit alam nila pangalan ko, ‘ah anak ’yan ni Cesar.’

“I will always be ‘anak ni Cesar.’ and I’m proud. Is it hard? It’s not hard. Kumbaga, you gave me shoes to fill. You gave me an objective na I need to do, ’di ba? And I’m proud to be your son, Dad,” paniniyak ni Diego.

Samantala, nakaka-P188 million gross na ang Maid in Malacañang na dinirek ng kontrobersyal na si Darryl Yap sa loob ng pitong araw na pagpapalabas sa mga sinehan sa ’Pinas.

Matapos mag-ikot sa iba’t ibang key cities tulad ng Cebu, Davao at Ilocos para sa magkakasunod na gala premiere at bumisita sa ilang mga sinehan sa Metro Manila para magpasalamat sa napakalaking tagumpay ng pelikula, lilipad naman ang team Maid in Malacañang para sa international screenings sa Japan, atbp.

Bukod sa USA, Canada at UAE, kinumpirma na rin ni Direk Darryl ang pagpapalabas ng pelikula sa London.

Kasama nina Cesar at Diego sa cast sina Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Ella Cruz, Karla Estrada, Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo, Kiko Estrada, Giselle Sanchez at iba pa with the special participation of Sen. Robinhood Padilla.

AUTHOR PROFILE