DiDi

‘Didi Serye’ ni Dexter kontra fake news

February 3, 2022 Ian F. Fariñas 221 views

Pumasok na rin ang award-winning na beteranang aktres na si Dexter Doria sa vlogging bilang parte ng hangaring labanan ang fake news at maling impormasyon sa social media.

Ginawa ni Doria ang karakter na si “Nana Didi,” na nagtrabaho bilang public school teacher ng 43 taon bago nagretiro at tumayong yaya ng kanyang mga apo.

Pero nagpasya si Nana Didi na tapusin ang pagreretiro at gumawa ng vlog matapos makita ang post ng mga dati niyang estudyante sa social media, ukol sa sinasabing Tallano gold, “golden years of Martial Law” at pagkalat ng maling impormasyon sa social media.

“Happily retired na ako, hanggang nakita ko yung mga post ng mga dati kong estudyante. Aba, parang hindi ko naturuan,” wika ni Nana Didi.

“So naisip ko mag-DDS… Not that kind. DIDI as in Didiserye. That’s me na gagawa ng serye para mulatin ang mga mata,” dagdag pa niya.

Sa kanyang bagong vlog, tinalakay ni Nana Didi ang Tallano gold, na umano’y pag-aari ng Tallano family ng Maharlika Kingdom, na nangyari bago pa sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas.

“Noong tinuturuan ko kayo ng world at Philippine history, wala akong naaalalang binanggit tungkol sa Tallano o Maharlika Kingdom. ‘Yang lesson natin today,” wika ni Nana Didi.

Tinalakay din ni Nana Didi ang tinatawag na confirmation bias, o ang ugali ng isang tao na maghanap o magbasa ng impormasyon na sumusuporta sa kanyang paniniwala at pag-uugali.

“Lalong tumitibay ang confirmation bias. Kaya dapat kilalaning mabuti ang sarili at kilatisin ang mga info na binaba. Hindi paninira ang pagsasabi ng totoo,” wika ni Nana Didi.

Pinayuhan din ni Nana Didi ang publiko na huwag paniwalaan ang lahat ng kanilang nababasa sa online at kailangan mula nila itong bepirikahin.

“Mula ngayon, maniwala lang kapag napatunayang totoo. Sundan ninyo ang DidiSerye para malaman ang totoo sa peke at ‘wag magpagoyo,” wika niya.

Pinuri naman ng mga kapwa artista si Nana Didi at ibinahagi pa ang kanyang “Didi Serye” vlogs sa kani-kanilang social media pages, kabilang ang mga aktres na sina Pinky Amador at Rita Avila, Arman Ferrer, Mark Escueta ng Rivermaya at Bart Guingona.

AUTHOR PROFILE