
‘Di pa inaamin pero marami na ang kinikilig kina Mavy at Ashley
MAGKASABAY na dumalo sina Kapuso stars Mavy Legaspi at Ashley Ortega sa Sinulog Festival sa Cebu kasama ang ilang kaibigan.
Sa Instagram post ni Mavy, makikita na nagbahagi siya ng ilang litrato at videos habang nakikisaya sa sikat the fiesta. Sa isang litrato, makikita sina Mavy at Ashley na nakatakip ng t-shirt ang ibabang bahagi ng kanilang mga mukha.
Makikita rin sa siang group photo na nakaakbay si Ashley sa aktor. At sa dulo ng carousel ng photos ay isang solo na litrato ni Ashley na naka-post din sa Instagram account ng aktres.
Caption ni Mavy sa kaniyang post, “Pit senyor! Daghang salamat Cebu/Cebuanos! Had a great Sinulog Festival with you guys!”
Samantala, makikita naman sa post ni Ashley ang ilang litrato kasama ang mga kaibigan, kabilang na ang kapwa Sparkle star na si Roxie Smith. Sa isang litrato ng aktres, makikita sina Roxie at Karl Adolfo, at si Mavy na nakaakbay naman kay Ashley.
“Viva Pit Senyor and cheers to my Sinulog heroes! ” Caption ni Ashley sa kaniyang post
Bali-balita ay nagkakamabutihan daw ang dalawa pero wala pang kumpirmasyon mula sa dalawa kung sila ba ay magkarelasyon na.
Kahit hindi pa nila isinasapubliko kung anuman ang meron sila, marami ang kinikilig sa kanilang social media posts.
Sa comments section ay nag-iwan ng makahulugang mensahe ang kakambal ni Mavy na si Cassy Legaspi na masaya siya para sa dalawa. Isa sa mga hashtags ni Cassy para sa dalawa ay “stay in love.”
“Happy for the both of you @ashleyortega & @mavylegaspi #stayinlove #inspired #enjoylife,” komento ng aktres at TV host.
Samantala, ilang netizens naman ang nag-komento patungkol kina Mavy at Ashley.
Katunayan, isang netizen pa ang nagsabi na bagay ang dalawang aktor sa isa’t isa.
Sabi pa ng isang netizen, “Beautiful Couple @ashleyortega @mavylegaspi.”
“Ayieeeee…Super Bagay kayo ni @mavylegaspi Gwapo at maganda @ashleyortega.” komento ng isa pa.
Daryl ayaw magbasa ng comments
MAPAPANOOD na muli si Daryl Ong bilang inampalan sa “Tanghalan ng Kampeon 2025” sa TiktoClock.
Sa kaniyang pagbabalik bilang inampalan, inamin ni Daryl na umiiwas siya sa pagbabasa ng posts tungkol sa kaniyang role at pagpili ng kampeon.
Saad ng “Tanghalan ng Kampeon 2025” inampalan na si Daryl, “To be honest, hindi ako masyadong nagbabasa ng comments sa pagiging inampalan.”
Paliwanag ni Daryl, dahil unang beses niyang maging inampalan sa isang singing competition ay may takot siya sa mga mababasang comments.
“First time ko rin maging inampalan, maging judge sa isang singing competition. Siguro, medyo parang takot din ako. Ayoko na lang din basahin kasi hindi natin maiiwasan kapag hindi ko napili ‘yung manok noong iba, siyempre puwedeng mayroon silang masabi. ”
Dugtong pa ng R&B Crooner ay ang ginagawa niya lamang ng tama ang kaniyang role sa “Tanghalan ng Kampeon” sa TiktoClock.
“Iniiwasan ko na lang magbasa ng comments basta ginagawa ko na lang ‘yung best ko to give a fair decision or judgment sa performances ng bawat contestant na sumasali.
Maris nasa healing process
INILABAS ni Maris Racal ang kaniyang bagong single na “Perpektong Tao,” na kaniyang unang proyekto matapos ang kontrobersiya nila ni Anthony Jennings noong Disyembre.
Sa panimulang lyrics ng kanta, binanggit ni Maris kung paanong nabunyag ang kaniyang mga sikreto at hindi niya na ito napigilan.
Hanggang sa magbago na ang pananaw ng publiko tungkol sa kaniya at nagtanong kung mapapatawad pa ba siya. Kasama rin sa kanta ang kaniyang pagharap sa dilim na hindi niya matakasan.
“Ang hirap maging perpektong tao,” pag-awit ni Maris sa chorus.
Sa bridge naman, nakasaad sa lyrics, “Kung puwede sanang ibalik, ‘di nagpalason sa ‘yong halik. ‘To na ang buhay na kay pait. Mapapatawad pa ba? May pag-asa pa ba? Hindi na matakasan kapag oras mo na.”
Inanunsyo ni Maris nitong Huwebes ng gabi ang release ng kaniyang kanta, kasabay ng pagsasabing — “I’m back. Writing this song healed me in ways I never thought possible.”
Inamin niyang nagkamabutihan sila ni Anthony, na humantong sa break up nila ng matagal na niyang nobyong si Rico Blanco.
Gayunman, iginiit din ni Maris sa kaniyang mga pahayag na sinabi sa kaniya ni Anthony na single ito, kaya sila nagkaroon ng relasyon.
Gumawa ng ingay sina Maris at Anthony sa kanilang tandem bilang sina Irene at Snoop sa series na “Can’t Buy Me Love.”
Bahagi rin ang dalawa sa Metro Manila Film Festival entry na “And the Breadwinner Is…” na pinagbibidahan ni Vice Ganda.
‘Hello, Love, Again’ mapapanood na sa Netflix
MAPAPANOOD na sa Netflix ang blockbuster movie na “Hello, Love, Again” sa Pebrero.
Nakasaad na “coming soon” sa naturang streaming platform ang pelikula nina Alden Richards at Kathryn Bernardo.
Nakatakdang ipalabas sa Netflix ang love story nina Ethan at Joy simula sa Pebrero 13.
Nitong nakaraang Nobyembre unang ipinalabas sa Pilipinas ang “Hello, Love, Again,” at sumunod na rin sa iba’t ibang bansa.
Sa Indonesia naman maghahatid ng kilig sina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa pamamagitan ng kanilang blockbuster movie na “Hello, Love, Again.”
Simula sa Enero 17, mapapanood din sa mga sinehan sa Indonesia ang naturang pelikula.