Default Thumbnail

DI-MG camp, pagawaan ng bomba nakubkob ng militar sa Lanao del Sur

December 13, 2022 Zaida I. Delos Reyes 222 views

NAKUBKOB ng mga tauhan ng Joint Task Force (JTF) Central ang kampo at pagawaan ng bomba at pampasabog ng Daulan Islamiyah-Maute Group (DI-MG) sa Bagumbayan, Marogong, Lanao del Sur.

Ayon kay Maj. Gen. Roy Galido, commander ng JTF Central at 6th Infantry Division (ID), ang pagkakadiskubre sa bagong kuta ng mga terorista ay bunga na rin matibay na suporta ng komunidad at maigting na intelligence efforts ng government security forces.

“Nasa 30 na mga tagasunod ni Abu Zacharia ang lider ng DI-MG ang namanmanan ng mga residente sa kalapit na lugar. Dahil baguhan ang kanilang hitsura madali silang ini-report ng community sa mga sundalo ng 1st Marine Brigade,” pahayag ni Galido.

Nakuha sa lugar ang tatlong units ng UHF handheld radio, dalawang piraso ng radio batteries, isang uniporme, isang lower receiver ng M14 rifle, isang kevlar helmet, dalawang 81MM mortar fuse, isang barrel ng M60 light machine gun, isang cellphone, isang combat boots, isang pack ng wire, dalawang kilo ng fertilizer, gun powder, isang manual ng pagawa ng eksplosibo, isang sako ng 81MM fuse (25 kg), isang “tornohan”, isang dynamo, dalawang improvised RPG (rocket-propelled grenade) launchers, isang empty magazine (7.62mm) at isang prayer booklet.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng focused military operations ang JTF Central sa lugar nang madiskubre ang kuta ng mga terorista kung saan ginagamit ding pagawaan ng kanilang mga pasabog.

“Nais ng JTF Central na pasalamatan ang patuloy na suporta ng local government units at kanilang mga community leaders dahil sa pagbibigay nila ng mahalagang impormasyon,” pahayag ng JTF Central commander.

Mariin din niyang inihayag na ang seguridad ay pananagutan ng lahat, “No single person is responsible for the security. We have to unite and work together,” dagdag ni Galido.