Pacman

’Di ko kinukondena ang LGBTQ — Pacman

September 21, 2021 Vinia Vivar 180 views

Ngayong nagdeklara na nga si Sen. Manny Pacquiao ng kanyang kandidatura bilang Pangulo ng bansa sa darating na 2022 elections, naglabas na naman ng galit ang LGBTQ community at naalala na naman ang controversial statement noon ng Senador patungkol sa gays.

Unang-una na ngang nag-tweet si John Lapus matapos ang announcement ni Pacman last Sunday.

“Mga bakla! Wag kalimutan, sinabihan tayo nyan ng “Masahol pa sa Hayop” tweet ni John.

Ang daming sumagot na netizens na hindi raw nila iboboto ang boxing champ dahil dito at sa iba pang kadahilanan.

Matatandaang noong 2016 ay matapang na naglabas ng saloobin si Pacman hinggil sa mga gay at sinabing masahol pa sa hayop ang homesexuals.

Sa latest YouTube vlog ni Toni Gonzaga na Toni Talks kung saan ay kinapanayam niya si Sen. Pacquiao ay isa ito sa mga bagay na nilinaw ng vlogger/TV host.

“Mainit kasing masyado ang statement ko na ‘yun,” pag-amin ni Pacman. “Ang sinasabi ko parati, hindi ko kinu-condem ‘yung mga gay, mga LGBT. May mga pamangkin akong LGBT, ang dami kong LGBT na workers sa bahay ko, kahit ‘yung mga kapatid ko,” paliwanag niya.

Patuloy pa niya, “As a person, hindi mo sabihin na galit ka sa kanya, kinukondena mo siya. Who am I to judge a person, ‘di ba?”

Nilinaw niyang mahaba ang statement niyang iyon at pinagdugtung-dugtong daw ang magkakaibang phrases.

Tanong ni Toni, “Pero naniniwala po kayong God loves them also?”

Sagot ng People’s Champ, “Exactly. Lahat tayong tao, kawangis ng Panginoon. Maganda ‘to kasi napapaliwanag ko. Ang gusto kong sabihin is hindi ko kinu-condemn sila. Actually, mas maganda ngang kaibigan, kasama, katrabaho ‘yang mga (LGBTQ). Masisipag at saka masaya. Magaling silang mag-isip tapos, masisipag, ganyan.”

Kung matatandaan din ay humingi naman agad ng patawad noon si Pacquiao sa kanyang mga nasabing hindi maganda about LGBTQ community.

“Nais ko pong humingi ng paumanhin sa lahat ng nasaktan dahil sa aking pagkumpara sa tao sa hayop. At ’yun po ay kamalian ko at ako ay humihingi ng paumanhin sa lahat ng mga nasaktan,” ang pahayag noon ni Pacman.

AUTHOR PROFILE