Default Thumbnail

DepEd kailangan magmadali

May 27, 2023 Magi Gunigundo 263 views

Magi GunigundoBAGAMA’T ang 1987 Konstitusyon at mga batas sa edukasyon ay nagpapatingkad sa napakahalagang responsibilidad ng pampublikong sistema ng edukasyon sa pagpapaunlad ng isang republika ng mga makabayan at responsableng mamamayan, nasaksihan natin sa nakalipas na sampung taon, ang bunga ng mababang uri ng edukasyon na pinagdiriwang ang matataas na marka ng iilan samantalang kibit-balikat sa pabagsak na marka ng nakakaraming batang pangkaraniwan ang talino. Ito ang paglitaw ng isang lipunang nadumihan ng “Orwellian smart shamming” at anti-intelektuwalismo na siyang pinapakinabangan ng mga karismatikong politiko at mga manloloko sa ekonomiya.

Idiniin ng editoryal ng isang peryodiko (Inquirer, Mayo 21, 2023) na ang mas mababa sa average na IQ ranking ng Pilipinas sa World Population Review 2023 ay hindi na nakakagulat kung isasaalang-alang ang napakanlulumong marka ng mga high school students sa PISA 2018, SEA-PLM at TIMMS 2019. Isa itong pagsasakdal sa patuloy na kahirapan at krisis sa pag-aaral na dinaranas ng ating bansa.

Ang RA 10533 (ang batas ng Kindergarten hanggang Grade 12) ay naglalarawan kung ano ang dapat na maging anyo ng isang paaralang pampubliko: nakasentro sa mag-aaral, hindi sa mga standards; inklusibo sa kabila ng pagkakaiba-iba ng wika at kultura ng mga mag-aaral; pagtangkilik sa unang wika ng mag-aaral bilang isang lamang sa halip na isang kakulangan;kurikulum na sensitibo sa kultura,”constructivist, inquiry-based, reflective, collaborative at integrative” at sumusunod sa mga prinsipyo ng Mother Tongue-Based Multilingual Education. Ngunit ang katotohanan ay malayo sa nararapat. Tukuyin natin ang dalawang aspeto ng realidad ng ating sistema ng edukasyon.

Una, pinapanatili pa rin ang Ingles sa pagtuturo sa mga batang Filipino na hindi unang wika ang Ingles, maliban sa kapiranggot na batang mayaman. Ang wika ay may dalawang talim. Maaari nitong isama ang lahat ng nagsasalita ng parehong wika at ibukod ang lahat ng hindi nakakaintindi nito. Ang isang bata na pinilit na tumanggap ng pagtuturo sa isang wikang hindi niya alam ay hindi kasama sa anumang makabuluhang pag-aaral sa silid-aralan. Ang mga Filipino ay hindi katutubong nagsasalita ng Ingles at kinikilala o nabibilang sa alinman sa 170 wika sa Pilipinas. Dapat lamang gamitin ang mga wikang Filipino sa pagtuturo. Maling sabihin na ang Math at Science ay hindi gaanong natututunan sa ibang mga wika maliban sa English. Tingnan ang ating mga kapitbansa sa Asya tulad ng Komunistang Tsina, Timog Korea at Japan at kung gaano sila ka-progresibo sa kabila ng kanilang kakulangan sa kasanayan sa Ingles. Wala silang kahirapan at krisis sa pag-aaral na humigit-kumulang ay kaparehas ng sa atin.

Ikalawa, ang pagkahilig na maniwala sa maling impormasyon at disinpormasyon, at maging bahagi sa pagkalat nito sa social media, ay nagpapakita na maraming Pilipino ang kulang sa kakayahang makita kung may napakakaunting impormasyon na nangangailangan ng karagdagang kapani-paniwalang data upang makagawa ng isang makatwirang konklusyon na tatanggap o isasantabi ang proposisyon. Ang katalinuhan na ito ay nangangailangan ng mga kritikal na kasanayan sa pag-iisip na inaasahang matutunan sa paaralan (Ponce de leon, Mayo 24,2023).

Nakalulungkot, ang sistema ng pampublikong edukasyon ng bansa, na minana natin sa mga Amerikano mahigit isang siglo na ang nakalipas, ay patuloy na pinipigilan ang karamihan sa mga Pilipino na makamit ang kanilang buong potensyal. Ang curriculum, na dapat ay nabawasan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng dalawang taon sa lumang 10 taong basic education cycle, ay nananatiling masikip kaya ang pag-kakabisote ang paraan upang makapasa sa semestre. Walang oras upang magsagawa ng mga aktibidad sa pag-iisip ng kritikal sa silid-aralan.

Sinabi ni Horace Mann (1796-1859), ang ama ng edukasyong Amerikano, na “ang isang republikang anyo ng pamahalaan, na walang katalinuhan ang mga tao, ay parang isang bahay ng mga baliw.”Ang Dep Ed ay kailangan magmadali at maging maliksi sa mga repormang dapat gawin upang mawala ang krisis sa edukasyon at ng maiwasan na mabansagan tayong bansa ng mga baliw.

AUTHOR PROFILE