Default Thumbnail

Department of Disaster Resilience, baka nga naman…

June 9, 2022 Paul M. Gutierrez 299 views

PaulMULING lumutang ang panukalang batas ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na House Bill 5989 sa Kongreso na naglalayong likhain ang Department of Disaster and Resilience (DDR) matapos sumabog ang bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Nakapasa sa Kamara ang HB 5989 na umano ng 241 na boto pero nabinbin ito sa Senado at nalampasan ng nakaraang halalan nitong Mayo. Sa 19th Congress, tiniyak ni Salceda na muli niya itong ihahain na ilang beses na ring sinertipikahan ni Pangulong Duterte na sadyang kailangan o urgent.

Sinasabi na ang HB 5989 ang umano’y pinakamaliwanag na balangkas at tugon sa mga kalamidad na bahagi na ng buhay nating mga Pilipino dahil alam naman nating lahat na maliban sa daanan tayo ng bagyo ay nasa Pacific Ring of Fire tayo na ang ibig sabihin ay madalas ang paglindol.

Taun-taon nasa 20-bagyo ang dumarating sa bansa. At syempre kapag may bagyo naririyan ang mga pagbaha, landslide at storm surge. Sa araw-araw, nakakapagtala tayo ng nasa 20 paglindol bagamat hindi ito gaanong ramdam. Pero nasa 100 hanggang 150 ang mga lindol na mararamdaman natin o malalakas sa loob ng isang taon ayon sa Phivolcs. Napakarami rin nating aktibong bulkan sa Pilipinas na nagdudulot din ng mga paglindol.

At syempre, naririyan pa rin ang the “Big One” o ang inaasahang malakas na lindol sa Metro Manila kapag gumalaw ang West Valley Fault. Huwag naman sana pero libu-libo ang inaasahang maaaring mamatay kapag nangyari ito ayon sa mga pag-aaral.

Naririyan din ang pandemya na masasabi nating isang sakunang nananalasa sa ating bansa o sa ating daigdig.

Maliban syempre sa mga natural na sakuna, may mga sakuna rin na pinalalala ng mga kagagawan ng tayo gaya ng illegal logging, illegal quarrying, pagtatapon ng basura kung saan-saan, over fishing at iba pa.

Naririyan din ang banta ng climate change na talaga namang nagbibigay ng matinding pagbabago sa ating kapaligiran na ayon sa mga eksperto asahan na natin ang mas matitinding bagyo, matititinding tag-init o tagtuyot na magre-resulta sa mas maraming sakuna.

Mukhang hindi na natin kailangang isa-isahin ang mga nangyayaring sakuna sa Pilipinas dahil alam naman nating marami ito at hindi na bago sa atin. Opo, hindi na bago ang mga sakuna at hindi na rin nabago ang pagtugon natin kapag dumarating ang mga ito.

Ibig po nating sabihin ay taun-taon, binabagyo tayo pero sa mahabang panahon ang ginagawa na lang natin ay lumikas at pagkatapos ay aasa sa relief goods. Sa totoo lamang dapat eksperto na tayo pagdating sa mga bagyo. Pero makikita po natin na wala po tayong pagkatuto dito.

Ang masakit pa dito sa Pilipinas, pati pagtulong ay pinupulitika pa. Kung hindi kapartido o hindi mo balwarte kapag eleksiyon ay sorry ka na lang. Sa ibang mga pagkakataon ay ginagawa pang oportunidad para makapangurakot. Imbes na isusubo na lamang ng mga biktima ng sakuna ay napupunta pa sa bulsa.

Sa ganang atin ay tingin natin isang malaking hakbang sa pagkatuto kung magkakaroon na tayo ng isang tiyak na departamento na tutugon sa mga ganitong sakuna. Dahil sa nakikita natin hindi sumasapat ang ginagawa ng mga iba’t ibang ahensiya gaya ng DSWD at NDRRMC tuwing may sakuna.

Opo, hindi po tayo nakakatiyak na ang bubuuing DDR ay ang tunay na solusyon natin sa mga sakunang nangyayari na talaga namang hindi lamang ari-arian ang nasisira kundi maraming buhay ang nawawala. Pero nakatitiyak po tayo na may pagsisimulan ang departamento ito upang magkaroon ng istratehiya at masusing mga pagpaplano sa panahon ng mga sakuna.

Hindi rin tayo makakatiyak na hindi magkakaroon ng isyu ng korapsyon dito pero maaaring makatulong ito upang mas sistematiko ang pagtulong sa mga nasalanta bago at pagkatapos ng sakuna.

Marami din tayong agam-agam pero baka nga naman. Baka sakali na magawa nitong maging mas epektibo tuwing may sakuna at matuto sa bawat sakunang dumarating upang kahit na maliit na hakbang mas nagiging epektibo tayo sa bawat sakunang dumarating.

Hindi pwedeng lagi na lang tayong nagtitiis kapag may sakuna, kalamidad at trahedya.

Hindi natin mapipigilan ang kalikasan pero magagawa nating bawasan ang epekto ng bawat sakunang darating kung talagang gusto natin.

AUTHOR PROFILE

Opinion

SHOW ALL

Calendar