
DENR kinansela kasunduan sa housing contractor
KINANSELA ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) 2002 Supplemental Agreement nito sa isang housing contractor dahil hindi umano ito dumaan sa bidding process at kabiguan na ipatupad ang naturang proyekto.
Sa liham na ipinadala sa housing contractor, inilahad dito ng DENR ang mga dahilan kung bakit kinansela ang naturang kasunduan kabilang na ang kawalan ng nararapat na Presidential Proclamation na idineklara ang naturang kontrata para sa housing purposes; walang dokumento na nagpapatunay na ang paniwalang housing project ay dumaan sa regular na procurement o bidding process at ang kabiguan nito na ideliver ang housing project sa loob ng limang taon simula nang pirmahan ang kontrata noong 2002.
Kabilang sana sa mga benepisyaryo ng mga housing unit ay ang mga empleyado ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan katulad ng DENR, Department of Education (then Department of Education, Culture and Sports), Department of Interior and Local Government, Department of National Defense, Department of Transportation (then Department of Transportation and Communications), Office of the President at ang Presidential Management Staff.
Kabilang pa sa mga rason sa pagkansela sa naturang kasunduan ay ang kawalan ng nararapat na Presidential Proclamation na nagdedeklara sa Lot 10 bilang bukas para sa disposition nito upang patayuan ng mga housing unit.
Ang 2002 supplemental agreement ay isa mga kontrara na inimbestigahan ng DENR Special Committee na itinatag noong Hulyo 2, 2019 base sa Special Order 2019-446.