Dennis, Ruru at Juday big winners sa Gabi ng Parangal
Gabi ng “Green Bones” ang katatapos na 2024 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal sa Solaire Resort & Casino nitong Biyernes.
Nasungkit ng nasabing MMFF entry ang dalawang major awards — Best Actor for Dennis Trillo at Best Picture.
Wagi rin si Ruru Madrid bilang Best Supporting Actor para sa nasabing pelikula, gayundin sina Ricky Lee at Angeli Atiensa for Best Screenplay.
Si Judy Ann Santos naman ang nagwaging Best Actress para sa “Espantaho.”
Sa kani-kanilang acceptance speech ay hindi napigilang maging emosyonal nina Juday at Dennis.
“Salamat po sa lahat ng bumubuo ng 50th MMFF. ‘Espantaho’ team, para sa ating lahat ito,” sey ni Juday.
“Acting is reacting. Naniniwala ako na hindi ko magagawa ang trabaho ko kung hindi dahil sa inyo.
“Sa lahat po ng kasama po sa MMFF, sa sampung napakagagandang pelikula, doon pa lang panalo na tayong lahat,” patuloy ng aktres.
Inalay din ni Juday sa kanyang pamilya ang tropeong natanggap.
“Of course, this award is for my inspiration, my life, my rock, my husband Ryan (Agoncillo).
“To my three beautiful babies — Yohan, Lucho and Luna. To my mom, my brother and my sister. To the dear Lord, thank you po, hindi ko naisip na makakarating ulit ako dito.
“Para po sa aking mga kapwa nominado, para po sa ating lahat ito. To God be the glory. Mabuhay ang pelikulang Pilipino,” aniya.
Sa speech naman ni Dennis ay sinabi niyang hindi na siya nag-expect na manalo pa ng award.
“Maraming salamat po dito sa karangalan na ito, isang napakalaking karangalan na tumanggap ng isang napaka-espesyal na parangal sa harap ninyong lahat.
“Lagi ko pong sinasabi na ngayong araw ng Kapaskuhan, ayoko na pong magpa-stress sa pakikipag-kompetensya o pakikipagpagalingan sa kahit kanino man.
“Dahil pakiramdam namin, panalo na kami noong naipasok pa lang sa sampung entries sa MMFF ang Green Bones,” sey ng aktor.
“Maraming salamat sa MMFF, sa MMDA, sa lahat ng mga nagdesisyon para maibigay ang lahat ng mga parangal ngayong gabi.
“Maraming salamat po sa mga taong naniniwala sa akin, sa GMA Films,” aniya pa.
Tulad ni Juday ay inihandog din ni Dennis ang kanyang award sa kanyang pamilya.
“Sa aking number one supporter, ang asawa kong si Jennylyn Mercado.
“Inaalay ko ang award na ito sa aking pamilya, sila po ang nag-inspire sa akin para pagbutihin itong ginagawa ko na ito, na imaximize lahat ng opportunity na ibinibigay sa akin.
“Maraming salamat po, hinding-hindi ko po makakalimutan ito,” pagtatapos ni Dennis.
Samantala, umuwing luhaan ang “Hold Me Close,” na pinagbibidahan nina Carlo Aquino at Julia Barretto dahil wala itong napanalunang award. Hindi rin namataan ang dalawang bida sa Solaire dahil sina Direk Jason Paul Laxamana, Jairus Aquino at Migo Valid lang ang nakitang rumampa sa red carpet.
Wala rin ang “The Kingdom” star na si Bossing Vic Sotto na sey ni Direk Mike Tuviera ay kasama ang pamilya nu’ng gabing ‘yon.
Narito ang full list of winners sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal:
Best Visual Effects: Riot Inc. (The Kingdom)
Best Child Performer: Sienna Stevens (Green Bones)
Best Musical Score: Vincent De Jesus (Isang Himala)
Best Sound for the movie: Ditoy Aguila (Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital)
Best Original Theme Song: Ang Himala ay Nasa Puso by Juan Carlos (Isang Himala)
Best Editing: Vanessa Ubas de Leon (My Future You)
Best Cinematography: Neil Daza (Green Bones)
Best Production Design: Nestor Abrogena (The Kingdom)
Best Supporting Actress: Kakki Teodoro (Isang Himala)
Best Supporting Actor: Ruru Madrid (Green Bones)
Breakthrough Performance: Seth Fedelin (My Future You)
Special Jury Citation Award: Vice Ganda
Best Screenplay: Ricky Lee and Anj Atienza (Green Bones)
Fernando Poe Jr. Memorial Award: Topakk
Gatpuno Antonio J. Villegas Award: The Kingdom
Best Actor: Dennis Trillo (Green Bones)
Best Actress: Judy Ann Santos (Espantaho)
Special Jury Award: Topakk, Isang Himala
Best Director: Crisanto Aquino (My Future You), Michael Tuviera (The Kingdom)
4th Best Picture: Isang Himala
3rd Best Picture: My Future You
2nd Best Picture: The Kingdom
Best Picture: Green Bones
Lifetime Achievement Award: Former President Joseph “Erap” Ejercito-Estrada
Best Float: Topakk, Uninvited
Gender Sensitivity Award: And the Bread Winner Is…