Dennis nahaharap sa bagong hamon
ISA na namang hamon sa pagganap ang naging karakter ni Dennis Trillo sa upcoming movie na “Green Bones,” na kinailangan niyang mag-aral ng sign language.
Gagampanan ni Dennis ang role bilang si Domingo Zamora, na inaresto dahil sa pagpatay kaniyang kapatid na babae. Dinala si Domingo sa San Fabian Prison and Penal Farm, ang pinakamalaking bilangguan sa labas ng Metro Manila.
Makikita si Domingo na nakikipag-ugnayan sa iba pang persons deprived of liberty (PDLs) sa pamamagitan ng pagsenyas at galaw ng mata.
“Dito kasi sa character ko na ‘to, mayroong phase dun sa kuwento niya na kinailangan niyang mag-sign language. Dahil dun sa trauma na naramdaman niya, parang ayaw niya muna magsalita,” kuwento ni Dennis.
Sinabi pa ni Dennis na nagbawas din siya ng timbang at nagpabago ng hitsura para maipakita ang karakter ng isang drug-addicted criminal.
Ang “Green Bones” ay sa direksyon ng award-winning Kapuso director na si Zig Dulay, na mapapanood sa mga sinehan simula December 25.
MMFF entry na may dalawang bersyon
DALAWANG versions ng pelikulang “Topakk” nina Arjo Atayde at Julia Montes ang mapapanood sa darating na Metro Manila Film Festival 2024 na magsisimula na sa December 25.
Ayon sa producer ng pelikula na si Sylvia Sanchez, nagdesisyon silang gumawa ng R-16 at R-18 version.
“Dalawa ang ratings ng Topakk. Isang R-16 at isang R-18. R-16 para makapasok kami sa SM (cinemas). Tapos R-18 doon sa mga hindi SM (cinemas).”
Kahit binawasan ng ilang madudugo at bayolenteng eksena, buong-buo pa rin ang kuwento at hindi nag-suffer ang ganda at kalidad nito.
Dagdag pa ni Sylvia iba rin ang ipinalabas nilang Director’s Cut sa sinalihan nilang mga international film festivals tulad ng Cannes, Italy, Locarno, Switzerland at Austin, Texas.
Iikot ang kuwento ng “Topakk” sa buhay ng dating special forces agent na nagkaroon ng post-traumatic stress disorder (PTSD).
“I don’t wanna spoil pero nagkasugat-sugat. May mga hiwa-hiwa. May mga pasa. Thank God, hindi nabalian ng buto. We have a very important message to send sa audience. Very interesting ‘yung story kaya ang hirap mag-no kay direk Richard Somes,” pahayag ni Arjo.