Dennis Hain angat sa survey sa pagka-mayor sa Cabuyao, Laguna

April 25, 2022 Marlon Purification 1796 views

Marlon PurificationMALAPIT nang magkaroon ng bagong mayor ang Cabuyao City sa Laguna.

Sa pinakahuling local survey results na natanggap natin, sobrang laki ng kalamangan ni mayoral candidate Dennis Hain laban sa kanyang mga katunggali.

Base sa ulat ng Pulso ng Kabataang Cabueños-National and Local Election Survey, si Denha (palayaw ni Hain) ay nakakuha ng 56.67 percent; habang ang incumbent mayor na si Mel Gecolea ay mayroon lang na 19.26 percent; pangatlo si Jim Galang na may 1.85 percent at pang-apat si Jonnel Muños na may 1.67 percent.

May 20.56 percent ang ‘abstain’ na posibleng paghatian pa ng mga nabanggit na kandidato.

Ang survey ay isinagawa sa pangunguna ng Kabataang Kaagapay ng Kabuyaw (KKK) at maraming Kabuyawenyos ang nagsasabing malapit na silang magkaroon ng isang tunay na ama ng bayan.

Kung matatandaan, makailang ulit din nating naisulat noong kasagsagan ng pandemya ang tungkol sa kawalan ng ayuda ng mga taga-Cabuyao.

Ang tingin ko rito, ang sinumang mananalo sa darating na lokal na halalan sa lungsod ang magiging resibo rin kung sino ba talaga sa mga kandidato ngayon ang nakatulong sa kanila noong nasa kasagsagan ng pananalanta ang COVID-19.

At si Denha ang nakita nilang tunay na nagmalasakit at nagserbisyo ng totoo!

Samantala, sa mga kandidato sa pagka-vice mayor, ang running-mate ni Denha na si Evelyn del Rosario ay malaki rin ang lamang sa katunggaling si Leif Opiña. Si Del Rosario ay nakakuha ng 43.89 percent, habang si Opiña ay may 31.11 percent. Ang ‘undecided’ ay nasa 25 percent.

Sa mga kandidato sa pagkakonsehal ay nangunguna rin ang isa pang Hain sa katauhan ni Dondon Hain na may 59 percent. Pangalawa si Sonny Aguillo na may 58.70 percent; pangatlo si Junjun Batallones na may 57.96 percent; Wanda Alimagno na may 55 percent; panglima si Jimbo Alcabasa na may 49.81 percent; pang-anim si Ariel Bariring na may 44.07 percent; pangpito si Fe Humarang na may 43.33 percent; pangwalo si Danna Raymundo sa 40.37 percent; pangsiyam at pang-10 sina Emerson Devona sa 39.26 percent at Zhen Sherwin Beguico, 36.85 percent.

Sa pagka-kongresista ay nangunguna si Ruth Hernandez, 63.15 percent; pangawala sa kanya si dating PAGCOR chief Efraim Genuino na may 22.78 percent at ang abstain ay 14.07 percent.

Si reelectionist Gov. Ramil Hernandez ang nangunguna naman sa naturang survey sa nakuhang 67.04 percent; kumpara kay Sol Aragones na may 15 percent at ang abstain ay 14.63 percent. Sa pagka-bise governador ay nangunguna si ER Ejercito na may 40.19; malayong nakasunod si Karen Agapay na may 17.78 percent; Agustin Parma na may 14.07 percent; at ang undecided ay 37.96 percent.

NANGANGAMOY ANOMALYA SA PAGKUHA NG JOB ORDER?

Bago tayo magtapos, gusto ko na rin samantalahing isulat ang umaalingasaw na isyu ng pagkuha ng mga bagong job order sa binuksang pampublikong hospital sa Cabuyao.

Nagtataka kasi ang mga kababayan natin sa Cabuyao kung bakit noong kasagsagan ng pandemic ay hindi binuksan ang Cabuyao City Hospital gayung matagal na itong nakatayo at gawa.

Kung kailan nga naman malapit na ang halalan ay saka pa lamang ito nag-operate.

Ang catch, maraming kinuhang hospital staffs na pawang job orders (JO) ang ‘employment status’ na hindi rin alam kung paano sila papasuwelduhin dahil hindi ito kasama sa kasalukuyang budget ng LGU.

Nagtatanong tuloy ang karamihan kung may naganap bang anomalya rito, lalo’t mahigpit na ipinagbabawal ang pag-hire sa mga JOs nang walang kaukulang ‘appropriation’ para sa kanilang mga sahod.

Nakatadhana ito sa Section 3 (e) ng RA 3019 “which penalizes the act of causing any undue injury to any party, including the government, or giving any private party any unwarranted benefits, advantage or preference in the discharge of his official administrative or judicial functions through manifest partiality, evident bad faith or gross inexcusable negligence.”

October 2017 pa inumpisahang ipagawa ang naturang hospital na may allocated budget na P400 million. Ang problema hindi na ito napakinabangan noong kasagsagan ng pandemya at ngayon lamang unti-unting binubuksan kung kailanman panahon ng kampanyahan at halalan.

Hindi tuloy maiwasang mag-isip ng mga taga-Cabuyao na mukhang nagagamit na ito sa eleksiyon ngayon.