Dennis

Dennis, binalikan ang pakikipag-inuman kay Rico dahil kay Claudine

July 22, 2023 Vinia Vivar 409 views

Naging bahagi pala si Dennis Padilla ng pagmamahalan ni Claudine Barretto at ng yumaong Rico Yan noong panahong ginagawa nila ang pelikulang “Got 2 Believe.”

Nagkataon kasi na ang awiting “Got to Believe in Magic” ni David Pomeranz ang official theme song ng upcoming movie na “Magic Hurts” kung saan ay magkasama sina Dennis at Claudine.

Sa mediacon ng movie na ginanap kaninang tanghali, naikuwento ni Dennis na hindi niya maiwasang maalala sina Claudine at Rico tuwing maririnig niya ang awiting “Got to Believe in Magic.”

“Kanina nga, nu’ng naririnig ko ‘yung ‘Got to Believe’ na music, kinikilabutan ako kasi I was there, eh, nun’g Rico Yan at saka Claudine, eh. Naalala ko tuloy,” sey ni Dennis.

“Sabi ko nga kay Claudine, ‘Claudine, naalala ko nu’ng pumunta sa akin si Rico, sabi, ‘kuya, baka naman pwede ko namang makausap si Claudine.’ Sabi ko, ‘hindi, hindi mo pwedeng makausap, hindi ngayon.’

“Sabi niya, ‘kuya, sige na, tulungan mo ko.’ ‘Sige, bumili ka muna ng beer,’” patuloy ng komedyante.

Bumili raw si Rico ng beer at nag-inuman sila. At habang nag-iinuman sila ay nagpaliwanag ito kung bakit nagkatampuhan sila ni Claudine.

“The next day, kinausap ko si Claudine, sabi ko, ‘Claudine, pinaliwanag sa akin ni Rico,’ ganyan ganyan, tapos the next day, nagkabati sila.

“‘Pag naririnig ko ‘yung music na ‘Got to Believe in Magic,’ sabi ko, parang nakatulong akong magkaroon ng magic nu’ng time na ‘yun,” sey ni Dennis.

Anyway, masayang-masaya si Dennis na nakasama siya sa pelikula dahil ngayon lang sila magkakatrabahong muli ni Claudine after so many years.

Bukod dito ay kasama rin nila ang eight-year-old daughter ni Claudine na si Aryanna Barretto.

“Saka ang ganda ng role ko rito, excited na ako. Patatawanin ko kayo at paiiyakin, sure ako riyan,” ani Dennis.

Magsisimula nang mag-shoot sa Baguio ang cast sa pangunguna ng mga bidang sina Mutya Orquia at Beaver Magtalas.

Ito ay mula sa direksyon ni Gabby Ramos under RemsFilms Productions.

AUTHOR PROFILE