Vhong

Deniece, determinadong tuluyan si Vhong — Atty. Topacio

September 5, 2022 Ian F. Fariñas 1006 views

Topacio

TRENDING kahapon ang #WeStandWithVhong at #StayStrongVhong hashtags sa pa-Twitter party ng supporters ni Vhong Navarro na nahaharap sa kasong rape laban sa modelong si Deniece Cornejo.

Nagkataon namang nakausap ng entertainment press ang isa sa mga abogado ni Deniece na si Atty. Ferdinand Topacio kahapon para sa iprinodyus niyang movie na Mamasapano at pagpapakilala sa bagong Borracho Film Production talent na si Heartey Martinez.

Doon ay kinumusta ng press si Atty. Topacio sa reaksyon ni Deniece sa pagkakasampa ng rape case versus Vhong.

Vindicated daw ang dalaga sa mga paninirang inani nito nang sumabog ang isyu eight years ago.

“She feels vindicated kasi nga grabe ang paninira ng puri na ginawa kay Miss Deniece Cornejo.

“She’s okay, she’s in good spirits. Sabi niya she has placed her faith in the Lord and the Lord has delivered her and vindicated her,” kwento ni Atty. Topacio.

Hindi raw nito kailangang sumali sa mga isinasagawa nilang rally para manawagan na i-raffle na ang kaso dahil “she’s been through enough. Kawawa naman siya. She’s rebuilding her life and naaayos na ang buhay niya.”

Base raw sa huli nilang pag-uusap mukhang hindi na itutuloy ni Deniece ang planong pag-aartista. Determinado rin daw ito na ituloy ang nasimulang laban kontra kay Vhong.

Nang tanungin kung may nagtangka bang mag-reach out sa kanila mula sa kampo ng comedian-TV host, ang sagot ni Atty. Topacio ay, “Walang nag-reach out, wala eh. Even when they reach out, what are they going to reach out for? Mababago ba nila ‘yung nangyari? Hindi naman, eh. Eight years namin hinintay bago maiipit pa sa raffle? ‘Wag naman, please naman.”

Patuloy ng celebrity lawyer, nagkakausap din sila ng kampo ni Kat Alano na noo’y nag-come out din laban kay Vhong.

“Well, titingnan natin. May action na gagawin si Miss Kat Alano. Tyumitiyempo lang siya, tinitingnan lang niya ang magiging resulta nitong kay Deniece.

“She may have her own lawyer, pero we will assist her in any way. Kaming Citizens Crime Watch, kami ni Mr. Magpantay ay tutulungan siya sa abot ng aming makakaya.

“Everything is possible according to our talks with Miss Kat Alano,” pahayag ni Atty. Topacio.

Tuloy daw ang rallies ngayong Martes at sa Huwebes dahil “there is nothing stopping the raffle committee from including the rape case du’n sa ira-raffle bukas.”

Samantala, ginawang test study ng Borracho Film Production ang special screening ng Mamasapano na ginawa sa Baguio kamakailan.

Doon nakilala ni Atty. Topacio ang bagong talent na si Heartey na sumali sa isang local beauty contest sa Summer Capital ng bansa.

Malaki ang plano ng lawyer-producer kay Heartey na sa kasalukuyan ay may two-picture deal sa Borracho.

Directed by Lester Dimaranan and Law Fajardo, ngayon pa lang ay nakahanda raw si Atty. Topacio sa mga magtatangkang humarang sa pelikulang pinagbibidahan nina Edu Manzano, Aljur Abrenica, Paolo Gumabao, Claudine Barretto (in a special role), atbp.

Nabanggit niya na sinampahan sila ng kaso ng mismong SAF officials dahil umano sa “illegal use of uniform and insignia.”

Nu’ng una raw, very cooperative ang SAF pero nu’ng nagpalit ng pamunuan, idinemanda na sila.

“‘Yung film namin ay para i-glorify yung kabayanihan ng SAF. Idinemanda kami ng SAF,” kwento ni Atty. Topacio.

So, ipinakita raw nila ang pirmadong permiso sa piskalya pero hanggang ngayon ay ongoing pa rin ang kaso at awang-awa ang lawyer-producer sa mga artista niyang sina Paolo at Rico Barrera.

“Sabi ko, pambihira naman kayo. Itong mga taong ito ay nagsakripisyo sa initan, sa maisan, para ipakita ang kabayanihan ng SAF, idedemanda n’yo? But I’m protecting them. I gave them lawyers.

Additional abala pa,” sey pa niya.

Anyway, makikipag-meeting daw si Atty. Topacio kay Boss Vic del Rosario ng Viva Films para pag-usapan ang cinema release ng Mamasapano.

AUTHOR PROFILE