Default Thumbnail

Delta Virus, binulabog ang buong mundo

July 25, 2021 Vic Reyes 454 views

Vic ReyesDAHIL sa pagsulpot ng Delta variant ng COVID-19 ay nabulabog na naman ang buong mundo.

Bukod sa madaling makahawa, mabagsik ito kumpara sa ibang variant ng coronavirus.

Napilitan tuloy ang ating gobyerno na magpatupad na naman ng mas mahihigpit na restrictions.

Wala namang angal ang taumbayan dahil alam nila na hindi biro ang bagsik ng Delta variant.

Ang kailangan lang ay suportahan ng publiko ang mga health at safety protocol.

Walang masama kung susunod tayo sa mga ipinag-uutos ng gobyerno.

Sana lang ay siguruhin din ng gobyerno na hindi ito magamit ng ilang tiwaling negosyante.

Paghuhulihin ang mga abusadong negosyante na magsasantala sa mga mahihirap nating kababayan

Ang dapat sa kanila ay makulong para matigil na ang overpricing at hoarding.

***

“Election season” na sa Pilipinas.

Kanya-kanya na namang gimik ang mga kakandidato para sa May 9, 2022 elections.

Dahil sa nararanasang kahirapan, mukhang nakalalamang na naman ang mga maperang kandidato, lalo na sa mga probinsya na problema ang kawalan ng trabaho.

Ang kawawa dito ay ang mga kandidatong magagaling pero walang maibibigay na ayuda sa mga botante.

Nakalulungkot ito dahil sa tingin natin ay handang magsilbi ng tapat at mahusay ang mga walang perang kandidato.

Sana magbago na ang ating mga botante.

Huwag ng iboto ang mga kandidatong namimili ng boto.

Lalo na ang mga nakikita sa mga sugalan.

Saan naman kaya nanggagaling ang mga ipinapatalong pera?Ang mahirap baka galing ito sa pera ng taumbayan o tongpats mula sa mga iligalista.

****

May pandemya na, meron pa ring matitigas ang ulong ismagler.

Ang problema lang nila, hindi naman natutulog sa pansitan ang mga taga-Bureau of Customs (BoC).

Mabubuko at mabubuko ang kanilang mga iligal na gawain.

Ganyan ang nangyari sa mga ukay-ukay at pekeng produkto na pinarating sa MICP. Nagkakahalaga ng P2.3 bilyon, ang mga kontrabando ay nakita sa isang bodega sa Valenzuela City.

Ang operasyon sa bodega ay isinagawa ng MICP sa tulong ng CIIS, ESS, PCG at PACC.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE