Delivery riders maingat na sa dinadalang pakete

April 20, 2022 Edd Reyes 88 views

Edd ReyesMADALAS mangyari na nagagamit sa ilegal na aktibidad ang mga delivery riders kahit wala silang alam na kontrabando pala ang laman ng dala nilang pakete kaya dawit din sila kapag nasakote ng pulisya.

Ilang insidente na kasi na ang kawawang delivery rider ang nagdurusa sa kasong hindi naman dapat sila masangkot at ang masakit pa, iniiwan sila sa ere ng kanilang kompanyang pinaglilingkuran na sa halip tulungan ay ibinabaon pa gayung bago sila matanggap bilang kawani ay dumadaan sila sa wastong proseso para patunayan na wala silang masamang rekord.

Dahil sa ganitong mga pangyayari, naging maingat na ang mga delivery riders at sinusuring mabuti ang laman ng paketeng sila ang naatasang magdala para matiyak na walang ilegal na droga o ano pang bawal na kontrabando bago ito dalhin sa nakasaad na paglalaanan.

Kaya nga nagiging katuwang na rin sila ngayon ng pulisya sa pagtukoy sa mga sangkot sa ilegal na aktibidad dahil kapag natunugan nilang may lamang kontrabando ang padalang pakete sa kanila, sa himpilan kaagad ng pulisya nila dinadala ito para matiyak na hindi sila sasabit.

Ang kaso, kadalasang nahuhuli ng pulisya sa entrapment operation, sa tulong na rin ng delivery rider, ay ang tumatanggap ng pakete at hindi ang nagpapadala nito na sa tingin ng marami ay mukhang kulang sa rekado kung baga sa isang lulutuing pagkain.

Papaano raw kung halimbawa ay may matinding galit ang nagpadala ng paketeng may nakasingit na kontrabando sa isang tao na ang gagamiting sender ay kanyang kaanak para matiyak na tatanggapin ang padala?

Nakatawag-pansin kasi sa inyong lingkod ang isinagawang entrapment operation ng Valenzuela police nito lamang Linggo ng gabi, Abril 17, 2022, laban sa isang lalaking tumanggap ng pakete mula sa isang delivery rider na nauna ng humingi ng tulong sa pulisya nang madiskubre na may lamang marijuana kush ang ipinapadala sa kanya.

Maganda naman talagang accomplishment ito ng kapulisan dahil huli sa akto ng pagtanggap ng paketeng may isiningit na marijuana ang lalaki mula sa delivery rider pero dapat siguro ay tuloy-tuloy ang kanilang operasyon para madakip din ang nagpadala ng pakete dahil kung baga sa buy-bust operation, yung nagbebenta dapat ang mahuli at masampahan ng mabigat na kaso.

P/BGen. Lee magiging huwaran sa kahinahunan

MAGIGING huwaran na ng mga opisyal ng kapulisan ang ibang klaseng kahinahunang ipinamalas ni Police Regional Office Cordillera (PROCOR) Regional Director, P/BGen, Ronald Lee sa nangyaring standoff sa pagitan ng mga pulis at mga armadong grupo na umano’y bodyguard ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Disono nito lamang katapusan ng buwan ng Marso.

Nagwakas kasi sa mapayapang paraan ang standoff makaraang isuko ng bise alkalde ang 12 niyang armadong bodyguards at 14 na iba’t-ibang uri ng matataas ng kalibre ng armas kaya’t ganoon na lamang ang papuring natanggap ni Gen. Lee dahil hindi humantong sa madugong engkuwentro ang makapigil-hiningang tagpo.

Sa mga lalawigang sakop kasi ng PROCOR, ang Abra ang may pinakamaraming bayan na umaabot sa walo ang may insidente na ng karahasan sa tuwing magdaraos ng halalan kaya’t ganoon na lamang ang mahigpit na pagbabantay at puspusang pagsasagawa ng police checkpoints ni Abra Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Maly Cula.

Sa ngayon, hindi lang ang karahasan sa panahon ng halalan ang binabantayan ng pulisya na sakop ng PROCOR, kundi ang pangambang pagtaas na muli ng kaso ng COVID-19 dahil na rin sa nangyayaring paglabag sa health and safety protocols ng maraming tao lalu na sa mga dinarayong lugar ng mga turista.

Hindi kasi maiiwasan ang pagkukumpul-kumpulan ng maraming tao, hindi lang sa mga lugar na dinarayo ng turista tulad ng Baguio City kundi maging sa mga political rally, kaya’t mahigpit ang direktiba ni Baguio City Mayor Benjie Magalong kay City Police Chief P/Col. Glen Lonogan na bantayan ang mga lugar sa lungsod na tinatarget puntahan ng lokal at banyagang turista.

Ang tanging nakaligtaan lang siguro ni Col. Lonogan na dapat sigurong ipaalala sa kanya ni BGen. Ronald Lee ay ang patuloy na pagkukumpul-kumpulan ng mga taong adik na yata sa sugal dahil may mga dumayo sa Baguio City na hindi naman pagliliwaliw ang pakay kundi maglatag ng ilegal na pasugal tulad ng drop ball, bingo at color games.

Ito kasi ang reklamo ng lehitimong mga residente sa Magsaysay Avenue, Hilltop at mga naninirahan sa gusali ng Cating dahil hindi natinag ang ilegal na operasyon nina Nestor, Arman, Jimmy at Marjie habang patuloy rin sina alyas Oldak, Andy, Nestor at Balong na naglatag ng kahalintulad na ilegal na sugalan sa Burnham Park sa harap pa mismo ng Rural Bank of Baguio, sa Malcola Square sa E. Jacinto St. at maging sa La Trinidad at bayan ng Mankayan.

Maaaring abala lang talaga ngayon si Col. Lonogan kaya’t nakakaligtaan niya ang gabi-gabing ilegal na operasyon dahil bukod sa problema sa posibleng pagsipa ng kaso ng COVID-19 kapag patuloy na nalabag ang mga health and safety protocols, maingat din sila sa pagbabantay sa pagtaas ng kaso ng kriminalidad sa lungsod sanhi na rin ng pagdagsa rito ng napakaraming dayuhan at lokal na turista.

AUTHOR PROFILE