Delivery riders love ng SM

June 10, 2021 Marlon Purification 505 views

Marlon PurificationSA gitna ng pandemya, marami sa pangangailangan ng taumbayan ang nakukuha at nabibili kahit hindi na umalis sa kani-kanilang bahay dahil sa tulong ng mga delivery riders

Malaking tulong sa ating lahat ang home delivery ng groceries, mga gamot at kahit ang food delivery.

Kaya naman napakalaking bagay para sa ating mga rider ang pagkilala ng SM Malls sa Bulacan sa kanilang serbisyong ibinibigay sa kabila ng panganib na kinakaharap nila sa araw-araw na pagbiyahe.

Kabilang sa mga ito ang mga rider ng Food Panda at Grab maging ang local errand services tulad ng Pabili-Bulacan, Ride Eat, Pa Suyo Po at Cartel De Marilao gayundin ang JoyRide, Peso Baliwag Delivery Services at Xpress Bulacan.

Sila ang naging ka-partner ng mga mall at iba pang establismento upang dalhin sa taumbayan ang essential services at produkto ng hindi na kinakailangang umalis ng tahanan ng mga end users.

“We treat delivery riders as our partners and economic frontliners that bring essential services to families and people stuck at home,” pahayag ni SM City Marilao Mall Manager Engr. Emmanuel Gatmaitan.

Sa layuning mabigyan ng kaunting kaginhawahan ang mga delivery riders, naglagay ng ‘cozy lounges’ ang SM Malls sa Marilao, Baliwag, Pulilan, at San Jose Del Monte para sa riders.

Sa naturang lounge, maaaring magpahinga ang mga riders habang naghihintay sa order ng kanilang mga customer o habang inaayos pa ng mga establishment ang mga order na produkto na ide-deliver.

Ang lounges na ito ay mayroong charging stations at disinfection area na may mga upuan at lamesa.

Libre rin ang tubig para mga rider na tinitiyak din ang pagsunod sa health protocols.

Bukod sa lounge, mayroon ding special parking areas para sa mga riders malapit sa mall entrances.

Ito ay upang matiyak na ligtas sa parking space at kumbinyente sa ating mga rider.

Ipinagmamalaki ng SM Malls sa Marilao, Baliwag, Pulilan, at San Jose Del Monte na ang hakbang nilang ito ay bilang pagpapakita ng appreciation sa kanilang mga partners.

Ang Rider’s lounge ay nasa ground level ng mall sa SM Marilao, Baliwag at Pulilan habang nasa second floor ng SM City San Jose Del Monte.

“Our Rider’s lounge is one way of thanking our partners for playing a significant role in bringing the needs of the community” pahayag naman ni SM City Baliwag Mall Manager Rodora Tolentino.

Sa ganang akin, napakagandang proyekto ang ginawang ito ng SM Management na nagpamalas ng tunay na malasakit para sa kapakanan ng ating mga delivery riders.

Dapat ang hakbang na ganito ng SM ay pamarisan ng iba pang establisimento upang kahit papano ay maging kumbinyente ang mga frontliers nating delivery riders na sinusuong ang sarili sa panganib sa kalsada at COVID 19, mabigyang serbisyo lamang ang ating mga kababayan.

Saludo tayo sa SM management sa Bulacan at binibigyang pugay din natin ang lahat ng delivery riders na makabagong bayani ng bansa.