Default Thumbnail

‘Delivery rider’ tiklo sa Taguig sa pagpatay, pagkasugat ng 2 pa

November 25, 2022 Edd Reyes 267 views

NADAKIP ng pulisya ang lalaking nagpanggap na “delivery rider” ng isang kilalang platform na bumaril at nakapatay sa 55-anyos na biktima at nakasugat sa dalawang iba matapos ang isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Taguig City.

Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, sinabi ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft na naaresto ng mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) team at mga tauhan ng Taguig Sub-Station 9 ang pangunahing suspek Miyerkules ng gabi (Nobyembre 23) sa Capistrano Ext. Barangay Hagonoy at nabawi sa kanya ang isang baril na may apat na bala sa nakalagay na magazine.

Nahuli rin sa naturang police operation ang mga kasabwat nito na ang isang lalaki na nahulihan ng Granada; anim na iba pang suspek kabilang ang isang babae.

Narekober din sa mga naaresto ang humigit kumulang na 7.0 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P47,600.

Lumabas sa pagsisiyasat na dakong alas-2:47 ng hapon nang pasukin ng pekeng delivery rider ang isang eskinita sa Lower Bicutan, suot ang uniporme ng delivery app platform, at nang masalubong ang 55-anyos na biktima ay kaagad niyang pinagbabaril na nagresulta sa agarang kamatayan.

Dalawang biktima ang tinamaan naman ng ligaw na bala na kapwa isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Paghihiganti ang sinisilip na motibo ng pulisya sa naganap na pagpatay bagama’t nagsasagawa pa sila ng malalimang imbestigasyon.

Ayon kay Kraft, kasong murder at paglabag sa RA (Republic Act) 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang isinampa nila laban kay sa primary suspect, illegal possession of explosive laban sa isang nahulihan ng granada, habang paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act naman sa anim na iba pa.

Pinuri naman ng NCRPO chief ang mabilis na aksiyon ng Taguig Police sa nangyaring pamamaril na nagresulta kaagad sa pagkakadakip sa mga salarin.

AUTHOR PROFILE