Default Thumbnail

Delivery rider, pintor timbog sa P119K shabu

May 27, 2023 Steve A. Gosuico 163 views

CABANATUAN CITY – Arestado ang dalawang umano’y nagbebenta ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation na humantong sa pagkakasamsam ng mahigit P119,000 halaga ng shabu nitong Biyernes ng madaling araw.

Arestado ang isang 38-anyos na delivery rider, ng Barangay D.S. Garcia at isang 60-anyos na pintor, ng Bgy. San Juan ACCFA, kapwa ng lungsod na ito.

Sinabi ni city police head Lt. Col. Warly C. Bitog na isinagawa ang kanilang pag-aresto matapos magsagawa ng drug sting ang mga miyembro ng city anti-illegal drug enforcement unit at ang provincial police sa isang lugar sa Bgy. D.S. Garcia bandang 12:15 a.m., Mayo 26.

Sinabi ni Bitog na nakabili ang isang operatiba ng P1,000 halaga ng shabu mula sa mga suspek na humantong sa pagkakakumpiska ng walong plastic sachets ng shabu mula sa mga suspek.

Nabatid na ang mga nasabat na shabu ay may kabuuang bulto na 17.5 gramo na may Dangerous Drugs Board (DDB) value na P119,000.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 para sa inquest-filing laban sa mga naarestong suspek sa tanggapan ng piskalya ng lungsod dito.

AUTHOR PROFILE