Delivery rider, nagbigti matapos makipag-usap sa nobya

June 24, 2022 Edd Reyes 168 views

LABIS na pangungulila sa kanyang kinakasama ang umano’y dahilan ng “pagpapatiwakal” ng isang Lalamove delivery rider, Huwebes ng madaling araw sa Navotas City.

Isinugod pa ng pamangkin ng kanyang kinakasama at mga kaibigan ang 46-anyos na biktimang hindi na binanggit ang pangalan sa Navotas City Hospital subalit patay na nang dumating sa naturang pagamutan.

Sa imbestigasyon ni Navotas Police Homicide Section P/Cpl. Dandy Sargento, tinawagan ng kinakasama ng biktima na nagtatrabaho sa Japan ang kanyang babaeng pamangkin dakong ala-1:20 ng madaling araw upang ipabatid na nagbabanta ang biktima na “magpapakamatay” habang sila’y nag-uusap sa cellular phone.

Kaagad na nagtungo ang pamangkin ng kinakasama ng rider sa tinutuluyang apartment nito sa Bgy. Daanghari at sa labas pa lamang ay nasilip na nila ng kanyang mga kaibigan sa bintana ang nakabiting katawan ng live-in partner ng kanyang tiyahin sa hagdanan ng dalawang palapag na tirahan.

Kaagad na pumasok ng apartment ang pamangkin at mga kaibigan at mabilis nilang pinatid ang nylon cord na nakapulot sa leeg bago isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Nakausap naman ni Cpl. Sargento ang kinakasama ng biktima at sinabing nagkaroon sila ng “hindi pagkakaintindihan” ng ka-live-in hanggang sa magbanta ang lalaki na magpapakamatay.

AUTHOR PROFILE