Default Thumbnail

Delivery boy timbog sa panghahalay

June 30, 2023 Edd Reyes 149 views

TIKLO sa mga pulis ang isang 22-anyos na delivery boy matapos ireklamo ng panghahalay ng 16-anyos na kaibigan nito sa Navotas City noong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa ulat, sa loob ng nakaparadang tricycle naisinakatuparan ng suspek ang matagal ng pagnanasa sa dalagita.

Huwebes na ng hapon nang makapagsumbong sa pulisya ang biktima at kanyang ina sa ginawang kahalayan ng suspek na residente ng Marikit St. Brgy. Tanza 1, Navotas.

Sa ipinarating na ulat ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio “Pojie” Penones, Jr. tiwalang nakipag-inuman ang biktima sa kanyang kaibigan kasama ang iba pang ka-tropa, sa Everlasting St. Brgy. Tanza 1 Miyerkules ng gabi.

Dakong alas-8 ng gabi nang malasing ang dalagita kaya’t pinangko siya sa balikat ng suspek at dinala sa nakaparadang tricycle upang doon isagawa ang panghahalay.

Sa kabila ng kalasingan, malinaw pa rin sa isipan ng dalagita ang ginawang kapangahasan sa kanya ng kaibigan kaya’t isinumbong niya muna ito sa kanilang mga ka-tropa bago ipinarating sa kaalaman ng kanyang ina.

Kaagad namang kumilos sina P/Cpl Joseph Cruz at P/Cpl Gilbert Tolin ng Navotas Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Matapos ang isinagawang pagsisiyasat ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), iprinisinta ang suspek sa piskalya para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti Rape Law in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

AUTHOR PROFILE