Delivery boy hinostage ng may ‘topak’ sa QC, nasagip

October 14, 2021 Melnie Ragasa-limena 254 views

NASAGIP ng pulisya ang isang delivery boy matapos na i-hostage ng 46-anyos na lalaking sinasabing may kapansanan sa pag-iisip habang idindeliber ang mga galon ng tubig sa kanilang tahanan sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.

Gamit ang dalawang kutsilyo, hinostage ng suspek na si Universe Santos, 46, residente ng 27 Alpha Road, Alpha Village, Capitol Hills Brgy. Matandang Balara, QC ang biktima na si Gabriel Espinosa, 21, water delivery boy at naninirahan sa Dama De Noche Batasan, Payatas, QC. Siya bahagyang nagtamo ng mababaw na sugat nang itutok sa kaniyang katawan ang dalawang kutsilyo na hawak ng suspek.

Batay sa inisyal na ulat ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-4: 30 ng hapon (October 14), nang magsimula ang hostage taking sa Alpha Village Capitol Hills , Brgy. Old Balara, sa lungsod.

Ayon sa mga nagrespondeng pulis sa pangunguna ni PLt. Arnold Bantanos, nalaman nilang dumaranas sa mental disorder/schizophrenia si Santos at sa hindi malamang dahilan ay biglang hinostage ang biktima habang nagdedeliber ng mga galon ng tubig sa kanilang tahanan.

Matapos ang mahigit sa isang oras ay ligtas na nasagip ang water delivery boy habang dinala sa himpilan ng pulisya ang hostage taker.

Wala namang motibo sa nangyaring pangho-hostage dahil sa sinasabing may kapansanan sa pag-iisip ang nasabing suspek.