Dekorasyon ng Pasko

September 13, 2021 Allan L. Encarnacion 490 views

Allan EncarnacionDINATNAN ko nitong Linggo ng umaga, September 12 mula sa jogging, ang misis ko na naglalagay na ng mga Christmas decor sa aming tahanan.

Sa saliw ng mga awiting Pamasko, isa-isa niyang inilalagay ang mga paborito niyang dekorasyon na ang karamihan ay lima hanggang pitong Pasko nang datnan-panawan sa mga sulok ng bahay.

Nagdesisyon kaming maglagay na ng mga Christmas decors sa ganito kaagang panahon upang balansehin ang lungkot na nangyayari sa paligid. Iyong hindi normal ang sitwasyon, iyong wala kang makainang restaurant, iyong pupunta ka sa malls na parang bakanteng warehouse na lang, iyong aabutan na ng expiration ang inyong mga passports at US visa, iyong aalis ka sa umaga na ang puwede mo lang gawin ay magtrabaho, walang coffee shop, walang night out sa mga paborito mong acoustic bar.

Pagkatapos ng maghapon, doon ka sa paborito mong upuan at magbubukas ng telebisyon para ituloy ang naiwanan mong episode sa Netflix hanggang dalawin ka ng antok. Kinabukasan, press 1 para ulitin ang lahat ng ginawa mo, press 2, hindi ka na aalis ng bahay, press 3, magluluto at tutulong sa mga gawaing bahay.

Ito talaga ang mga sangkap ng depresyon para sa mga taong sa loob ng maraming dekada ay kumikilos na parang wala nang bukas, nagmamadali sa lahat ng ginagawa, kaliwa’t kanan ang meeting, sa weekend, kahit paano’y lalabas para mag-relax. Pagkatapos ng halos isang taong trabaho, nakakapag-abroad para sulitin ang naipon at makapunta sa ibang lugar na magbibigay ng bagong inspirasyon para muling magsikap sa susunod na taon.

Kumpara sa mga nakaraang Pasko, unang linggo pa ng Nobyembre naglalagay ng mga dekorasyon tapos pagkalipas ng Feast of Three Kings, magliligpit na, balik na ulit sa kahon niya sina Santa at Rudolph. Sa dami ng liligpitin, parang hindi rin sulit ang dalawang buwang display kaya okey na rin ang mid-month ng September para makalabas ang mga Christmas displays.

Kailangan nating humugot ng inspirasyon sa kahit anong puwedeng magpasaya sa atin, gaano man ito kaliit na bagay, lalo sa ganitong panahon ng walang katiyakan. Habang inilalabas ng misis ko sa mga kahon ang decors, pinatugtugan ko siya ng “It’s beggining to look a lot like Christmas” sa bluetooth stereo, mas lalo siya nalungkot. Hindi rin siya makapaniwalang darating sa ganitong panahon ang ating Pasko.

Pero sabi ko sa kanya, lilipas din ang lahat ng ito, kailangan nating magpatuloy sa positibong pananaw sa buhay upang may hugutan din ng lakas ang mga taong nakapligid sa atin.

Huwag tayong magpatalo, patuloy lang tayong lumaban, patuloy tayong magbigay ng inspirasyon saan man tayo makarating. Sabi nga, kapit lang, sa bandang huli, matatalo rin natin ang pandemic na ito na lumumpo sa ekonomiya ng mundo.

Huwag lang nating kalimutan, Christmas is magic, Christmas is forever.