Gigi

Debut album ni Gigi, punumpuno ng hugot

January 28, 2022 Ian F. Fariñas 148 views

Iba’t ibang feels ang mararamdaman sa kakalunsad na debut album ni Gigi de Lana na isa sa mga Bagong Taong handog ng Star Music.

Hatid ni Gigi at ng Gigi Vibes band ang kwento ng pag-ibig, pagkabigo at pagbangon sa walong original songs ng album at dalawang bonus tracks.

“Sobrang ang daming pinagdaanan. Ang daming nangyari kung paano namin na-compose ang mga kanta, kung paano namin naprodyus ang mga kanta. Ang daming ups and downs ng mga kanta namin na hindi namin akalain na ’eto na siya,” ani Gigi sa naging karanasan niya sa paggawa ng album.

Pinangungunahan ito ng key track na O Bakit Ba na isinulat niya kasama si Erwin Lacsa at tungkol sa masakit at paulit-ulit na pang-iiwan at pagbabalik ng isang minamahal.

Siya rin ang sumulat ng isa pang kanta sa album na pinamagatang Letting Go, katulong naman sina Jon Cruz at Erin Justo.

Syempre hindi mawawala sa album ang debut single ni Gigi at tinaguriang breakup anthem na Sakalam at ang official soundtrack ng Viral Scandal series ng ABS-CBN Entertainment na pinamagatang Nasayo Ako.

Kabilang din dito ang remake niya ng Bakit Nga Ba Mahal Kita, theme song ng kanyang pinagbibidahang serye na Hello Heart katambal si Gerald Anderson na kasalukuyang napapanood sa iQiyi.

Tampok din sa pop-rock album ang mga kantang Bibitawan, First Night, Topak, Isang Idlip at Huling Lapit.

Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang nagsilbing overall producer nito.

“Gusto naming ipakita sa mga tao na ibinabalik namin ang pop-rock. ’Eto ang message namin sa album na ito, na maging totoo kung sino ka,” kwento ni Gigi sa halaga ng album para sa kanya at sa kanyang banda.

Maituturing na isa sa fastest-rising stars ngayon, sumikat si Gigi sa kanyang online gigs kasama ang The Gigi Vibes nang mag-viral ang cover niya ng Bakit Nga Ba Mahal Kita.

Bumida rin ang RISE Artists Studio talent sa 1MX Dubai 2021 at sa Gigi de Lana: Holiday Vibes digital concert para sa YouTube Music Night noong Disyembre.

Samahan si Gigi sa emotional rollercoaster ride na mararamdaman sa Gigi de Lana album na available na sa iba’t ibang music platforms.

AUTHOR PROFILE