Deborah patuloy na umaasa sa buhay

June 27, 2021 Aster Amoyo 1888 views

VETERAN actress, Deborah Sun, comes from the showbiz clan of the Salvadors. Siya ay si Jean Louise Porcuna Salvador in real life, isa sa mga anak ng yumaong actor-director at producer na si Leroy Salvador, Jr. at half sister niya ang aktres na si Jobelle Salvador. First cousin naman niya si Maja Salvador at ang actor-director na si Ricky Rivero habang pamangkin naman nila sa pinsan si Janella Salvador.

Mahaba ang listahan ng mga Salvador sa showbiz. Isa bale si Deborah sa napakaraming apo ng kanilang grandfather na si Lou Salvador, Sr. na sinasabing may 107 na anak at kasama sa mga ito sina Phillip Salvador, Ramon Salvador at mga yumaong sina Leroy Salvador, Mina Aragon, Ross Rival (ama ni Maja), Alona Alegre, Jumbo Salvador at marami pang iba.

Deborah started her showbiz career in 1979 when she was introduced in the movie “Bedspacers” na dinirek ng yumaong si Joey Gosiengfiao. Ang nasabing pelikula ay pinagbidahan nina Alma Moreno, Rio Locsin at Amy Austria at kung saan din kasama sina Mark Gil, Laurice Guillen at iba pa.

Ang yumaong talent manager at film supervising producer ng Regal Films na si Douglas Quijano at si Mother Lily Monteverde ang nagbigay ng screen name niyang Deborah Sun sa halip na gamitin nito ang totoo niyang pangalan.

Naging sunud-sunod ang paggawa noon ni Deborah ng pelikula at kasama na rito ang “Temptation Island” in 1980, ang “Pasan Ko ang Daigdig,” “Pakawalan Mo Ako” at iba pa.

Bago pumasok ng showbiz si Deborah ay isa na siyang dalagang ina sa kanyang panganay na si Angela sa edad na katorse. Ang kapatid ng aktres na si Susan Henson na si Julius `Gigi’ Henson ang ama ng bata. Dahil masyado pang bata noon si Deborah, hindi ito ang ipinakilalang ina ng bata kundi ang ina ni Deborah na si Corazon `Baby’ Porcuna. Ang buong akala ni Angela ay nakatatandang kapatid lamang niya si Deborah kaya ate ang tawag sa kanya ng bata. Nang sumakabilang-buhay ang ina ni Deborah ay doon lamang siya nagpakilala na siya ang tunay nitong ina and it took sometime bago nakapag-adjust ang bata na tanggapin siyang ina nito.

Nasa showbiz na siya nang siya’y ma-in love sa ama ni Aiko Melendez, ang yumaong actor na si Jimi Melendez at nagkaroon sila ng isang anak na si Jam Melendez na minsan ding nag-artista noon.

Sa kalagitnaan ng kanyang showbiz career ay nalulong sa drugs si Deborah at nagkaroon siya ng matinding problema sa pera. Taong 1989 naman mang magdesisyon siyang lumipad patungong Amerika at muli siyang nagsimula from scratch para maka-survive doon. Mula Los Angeles, California ay lumipat siya ng Queens, New York at doon siya mamasukan bilang sales person sa Banana Republic.

While in the US ay nagkaroon siya ng panibagong relasyon at nagkaroon ng pangatlong anak na isang babae, si Jemmalyn Salvador, her youngest na sa Amerika na niya isinilang.

In 2004 ay nagdesisyon si Deborah na bumalik ng Pilipinas para magbakasyon. The following year ay pabalik na sana siya ng Amerika nang siya’y ma-hold sa NAIA sanhi ng estafa case filed against her ng isang kilalang aktres na may kinalaman sa mga alahas na hindi niya nabayaran. In 2006, siya’y na-sentensyahan ng korte sa anim na counts ng estafa at pagkakakulong ng mahigit tatlong taon. Pero isang taon at isang buwan lamang siya nananatili sa loob ng Women’s Correctional dahil sa tulong ng yumaong veteran actress na si Amalia Fuentes.

Nang makalabas ng kulungan si Deborah ay muli siyang nakabalik ng showbiz pero paisa-isa lamang ang kanyang project na natatanggap kaya di nito malaman kung saan niya kukunin ang kanilang pang-araw-araw na gastusin ng kanyang mga anak. Wala rin sila matirahan noon. Mabuti na lamang at nagmagandang-loob sa kanya ang singer-actress-entrepreneur na si Ara Mina at pinatira sila sa isang niyang pag-aaring condo unit in Cubao, Quezon City kung saan sila nakatira ng kanyang mga anak hanggang ngayon.

Hindi ikinakaila ng aktres na para umano siyang beggar na nanghihingi ng tulong kung kani-kanino, mula sa ilang kamag-anak, mga kaibigan at mga kakilala. Nahihiya man siyang gawin ito, kailangan niya itong gawin para maka-survive.

“Kailangan ko ng trabaho,” aniya. “Pero hanggang ngayon ay wala akong makuha. May sakit ang pangalawa kong anak na si Jam at kailangan niya ng maintenance meds. Pati ang pang-araw-araw naming pangangailangan ay hindi ko rin alam kung saang kamay ng Diyos ko kukunin,” mangiyak-ngiyak na tinuran ni Deborah.

May problema din si Deborah sa kanyang dentures kaya hirap umano siyang magsalita.

“Kesa ipaayos ko ang dentures ko, uunahin ko muna ang pagkain namin at gamot ng anak ko,” aniya.

“Nahihiya na akong manghingi kung kani-kanino pero hindi ko maiwasan dahil wala akong makuhang trabaho,” patuloy niya.

Bago bumalik ng Pilipinas si Deborah, she was diagnosed of liver cancer sa Amerika pero hindi umano nagtuluy-tuloy ang gamutan dahil kapos siya sa pera. Pero sa awa naman ng Diyos ay buhay pa siya hanggang ngayon.

“Kailangan pa ako ng mga anak ko,” pahayag pa niya.

Nalulungkot din si Deborah na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin umano sa kanyang pagkatao ang drugs kahit matagal na umano siyang huminto at nagbago.

“Nirerespeto ko ang opinion ng mga tao pero sana naman bigyan nila ako ng panibagong pagkakataon na ipakita sa kanila na nagbago na ako para sa mga anak ko,” paliwanag pa niya.

Samantala, proud na ibinalita sa amin kahapon ni Deborah na kinuha umano siya ng ilang students sa acting workshop for three days at may kita siyang P15,000.

“Malaking bagay na ito sa akin. Natulungan nila ako at nakatulong din ako sa kanila kahit papa’no. Pambayad din sa bills at pagkain namin,” pag-amin pa niya.

“Blessing na bigay ni Lord,” aniya.

“Sana magtuluy-tuloy ang mga ganitong blessing,” asam pa niya.

Aurora bumabangon na rin

MASAYA ang comebacking actress at 1984 Mutya ng Pilipinas-World na si Aurora Sevilla na nasa kuwadra na siya ng Viva kasama ang kanyang 19-year-old daughter na si Aliyah Sevilla.

“Except for the TV series na “The Killer Bride,” 24 years na akong hindi gumagawa ng pelikula.

Tulad ni Deborah Sun, marami ring trials na pinagdaanan si Aurora na isa ring single parent sa kanyang dalawang anak na sina Joshua (25) at Aliyah (19).

“Sa awa ng Diyos, unti-unti rin akong bumabangon,” pahayag pa niya.

Subscribe, like, share and hit the bell icon of “TicTalk with Aster Amoyo” on my YouTube channel. Follow me on Instagram and Facebook@asteramoyo and Twitter@aster_amoyo.

AUTHOR PROFILE