Debate nila Mayor Joy at Cong Mike

November 26, 2021 Allan L. Encarnacion 184 views

Allan EncarnacionNAGHAHAMON pala ng debate si Anak Kalusugan partylist Rep. Mike Defensor.

Nakatutok ang hamon niya kay Quezon City Mayor Joy Belmonte dahil kumakandidatong alkalde ng lungsod si Mike.

Kaibigan naman natin itong si Mike, alam naman natin na mula pa kolehiyo sa UP, debate na ang kanyang nakagisnan. Nang maging konsehal, debate pa rin ang kanyang ginagawa.

Lalo na nang maging kongresista, puro debate ang kanyang pinagkakaabalahan.

Kung mayroon mang success story si Mike para sa kanyang sarili, iyon ay ang pakikipagdebate kung kani-kanino.

Naniniwala tayo sa integridad ni Mayor Joy hindi lang bilang pulitiko bagkus ay bilang tao. Kung mayroon man isa sa pinakamatinong alkalde na dumating sa lungsod namin, baka si Mayor Joy na iyon. 1977 ako unang napadpad sa Kyusi mula sa Caloocan kaya nasubaybayan natin ang mga naging alkalde sa lungsod.

Wala tayong narinig kahit bulong na nakikialam si Joy sa kahit anong transaksiyon na may kinalaman sa pera. Napaka-disente ni Joy na malayong-malayo sa ibang kakilala kong alkalde sa Metro Manila.

May kakilala ako 30% ang taga sa lahat ng kontrata at lahat ng illegal and legal business ay kinukuhanan ng tongpats. Sobrang suwapang ng ibang mga alkalde kaya halos wala nang natitira para sa proyekto ng gobyerno.

Ang by the way, ang mismong city hall ang repleksiyon ng mga alkalde ng bawat lungsod kaya kung makakaikot kayo sa Quezon City hall compound, markado talaga ang sistemang parking at malinis ang paligid.

Dumalaw din kayo sa ibang city hall, tingnan nyo mabuti kung gaano kasalaula ang mga lider.

Maging ang Taguig City hall, kitang-kita mo kung gaano krapesyunal ang kanilang alkalde na si Mayor Lino Cayetano dahil sobrang linis. Namana rin kasi ni Mayor Lino kay former Mayor at ngayon ay Congresswoman Lani Cayetano ang sistematikong pamamahala sa lungsod.

Pasensiya na kay Pasig City Mayor Vico Sotto, dismayado ako sa performance niya sa paligid ng city hall, sobrang dumi, daming stagnant water kahit saan at walang sistema ang parking.

Naikumpara ko tuloy si Mayor Vico sa mga Eusebio na inabot ko pa sina Mayor Enteng at Mayor Bobby na sobrang metikuloso sa linis at mga beuatification project ng Pasig kahit saan ka tumingin.

Sana pakitang-gilas din minsan sa kalinisan Mayor Vico.

allanpunglo@gmail.com