Death toll sa pagbaha sa VisMin nasa 52 na
UMAKYAT na sa 52 katao ang naiulat na nasawi bunsod ng malawakang pagbaha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan dulot ng shearline simula Disyembre 25, 2022.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction ang Management Council (NDRRMC).
Sa update ng ahensiya nitong Miyerkules ng umaga, lumalabas na 13 lamang sa naiulat na nasawi ang kumpirmado habang biniberipika pa ang pagkasawi ng 39 iba pa.
Ang mga kumpirmadong nasawi ay mula sa Davao Region na nakapagtala ng apat, tig-tatlo mula sa Caraga at Zamboanga Peninsula, dalawa mula sa Northern Mindanao at isa mula sa Mimaropa.
Kabilang naman sa mga biniberipika ang 24 katao mula sa Northern Mindanao, siyam mula sa Bicol, lima sa Eastern Visayas at isa mula sa Zaamboanga Peninsula.
Nanatili naman sa 16 ang bilang ng nasugatan at 18 ang nawawala kung saan pito sa mga ito ang kumpirmado.
Ang apektadong pamilya ay umabot na sa 162,320 o 640,748 katao mula sa sampung rehiyon sa bansa.
Sa naturang bilang, 7,114 pamilya o 26,015 katao na lamang ang pansamantalang nanunuluyan sa 170 evacuation centers.
Bumaba naman sa P262.06 million mula sa dating naiulag na P1.13 billion ang pinsala sa imprastraktura matapos ang isinagawang validation ng ahensiya.