Default Thumbnail

Death toll dahil sa masamang panahon 33 na – OCD

January 19, 2023 Zaida I. Delos Reyes 181 views

UMAKYAT na sa 33 katao ang naiulat na nasawi dahil sa masamang panahon dulot ng low pressure area (LPA), shear line, at northeast monsoon na nagsimula pa noong January 2, 2023.

Batay sa update na inilabas ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes ng umaga, ang mga nasawi ay mula sa 13 rehiyon sa bansa kabilang ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa nasabing bilang ng patay, 18 ang kumpirmado, walo sa mga ito ay mula sa Zamboanga Peninsula, pito mula sa Eastern Visayas, dalawa mula sa Northern Mindanao at isa mula sa Davao Region.

Sa kasalukuyan, 15 sa mga naiulat na nasawi ay bina-validate pa ng ahensiya, kabilang sa mga ito ang anim mula sa Northern Mindanao, lima mula sa Bicol, tatlo mula sa Zamboanga Peninsula at isa mula sa Soccsksargen.

Labing-anim katao naman ang naiulat na nasugatan at pito ang nawawala.

Umabot din sa 412,339 pamilya o 1,678,440 katao ang naapektuhan ng masamang lagay ng panahon.

Nasa 65,311 pamilya o 266,349 katao ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Ayon sa OCD, 1,672 kabahayan ang napinsala habang umabot naman sa P204.9 milyon ang pinsala sa imprasktratura at P414.3 milyon ang pinsala sa agrikultura.