Pangandaman

DBM sec idineklarang anak ng Nueva Ecija

October 7, 2023 Steve A. Gosuico 322 views

LUNGSOD ng Cabanatuan–Kinilala si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman bilang “adopted daughter of Nueva Ecija.”
Ipinagkaloob ni Gov. Aurelio Umali ang pagkilala kay Pangandaman sa isang pormal na seremonya na ginanap sa Nueva EcijaUniversity of Science and Technology dito noong Biyernes.

Pinagtibay sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 556 Series of 2023 ang pagdeklara kay Pangandaman bilang “Anak ng Nueva Ecija” at inaprubahan ni Vice Gov. Emmanuel Antonio Umali.

“Tanda ng pasasalamat ng lalawigan ang pagkilala sa kanyang kahanga-hangang pamumuno sa pagtataguyod ng mga reporma sa badyet, mabuting pamamahala, transparency sa pananalapi at pananagutan na may malaking epekto sa ating bansa at sa mga komunidad nito, kabilang ang Nueva Ecija,” sabi ni Gov. Umali.

Pinasalamatan ng kalihim ng DBM si Umali, ang Sangguniang Panlalawigan at ang mga Novo Ecijano sa pagkilala.

“Maraming salamat po. Taga-Region 3 po ako. ‘Yong F po sa pangalan ko is Flaminiano. From Tarlac po iyon, taga-Tarlac po ako kaya malapit po sa akin ang Region 3 at ang San Jose City, Nueva Ecija dahil taga-San Jose, Nueva Ecija ang parents ng lolo ko, so taga-dito po ako sa Nueva Ecija,” sabi ni Pangandaman.

Nag-iisang Muslim ang opisyal na itinalaga sa gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

AUTHOR PROFILE