DBM pinasalamatan ni Tiangco sa pag-apruba sa 4Ps funds
PINASALAMATAN ni Navotas City Representative Toby Tiangco ang Department of Budget and Management (DBM) sa pag-apruba sa pagpapalabas ng tulong pinansiyal na matagal na naantala para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Malaking tulong po sa ating mga kababayan ang dagdag na budget na ito para sa mga 4Ps beneficiaries. Ipinapakita lamang nito na seryoso ang administrasyong Marcos sa pagbibigay serbisyo at tulong sa ating mga kababayang nangangailangan,” pahayag ni Tiangco, Vice Chairman ng House Committee on Appropriations.
“Umaasa po tayo na magiging tulay ang karagdagang pondong ito para mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan ng ating 4Ps program,” dagdag pa niya.
Binanggit niyang muli ang pagsuporta sa panukalang pag-aprba sa pondong pang-ayuda sa 2025 budget na mahalagang maipatupad dahil malaking tulong ito sa mga maralita.
“Gaya ng lagi kong sinasabi, suportado po natin ang pagpasa nang buo ng pondo para sa mga social programs ng ating pamahalaan,” sabi pa ni Tiangco.
Sa pahayag ng DBM ang P5 bilyong karagdagang pondong pang-ayuda huhugutin mula sa Continuing Appropriations ng Fiscal Year 2023.
Ayon pa sa DBM, ang naturang halaga gagamitin sa atrasong ayuda sa 4Ps noong 2023 na nagresulta sa pag-deactivate o sa may 703,888 na mga benepisyaryo ng 4Ps.